MANINIGURO SA GINTO; PBA PLAYERS, ISASABAK SA SEA GAMES

(NI JOSEPH BONIFACIO)

DAHIL gahol na sa panahon, pati sa nalalapit na deadline ng pagsusumite ng listahan ng mga pangalan ng manlalaro, minabuti ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at ng bagong katatalagang national team head coach Tim Cone, na sumandal na muna sa all-pro team para sa 30th SEA Games.

Kahapon sa ginanap na press conference, inihayag ng SBP ang 15-man pool ng Gilas Pilipinas, na kinabibilangan ng core ng Brgy. Ginebra na sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle at Art dela Cruz. Kasama rin sina June Mar Fajardo, Marcio Lassiter, Chris Ross at Christian Standhardinger ng San Miguel. Ang iba pa ay sina Roger Pogoy, Troy Rosario at Jayson Castro ng Talk ‘N Text, Vic Manuel ng Alaska at Matthew Wright ng Phoenix.

Una nito, inanunsyo ng SBP noong nakaraang linggo ang inisyal na 24-man list kung saan kasama ang mga collegiate standouts na sina Thirdy Ravena, Isaac Go, Dave Ildefonso, Ricci Rivero, Kobe Paras, Juan Gomez De Liano, Justine Baltazar gayundin si Fil-Am sensation Kai Sotto.

Subalit dahil dalawang buwan na lang bago ang SEAG at kailangang mag-kampeon ng Gilas, upang maibawi ang kulelat na pagtatapos sa 2019 FIBA World Cup, sumandal si Cone at ang SBP sa all-pro team na lang muna sa ngayon.

Ang komposisyon ng nasabing koponan ay panapat din ng Pilipinas sa mga kalabang koponan mula sa Thailand, Malaysia at Indonesia na ibabandera ng naturalized player nitong si Denzel Bowles, na former PBA import at ni dating Gilas mentor Rajko Toroman.

Sa 2017 edition ng biennial meet ay magkahalong amateur at professional players ang ipinanlaban ng Pilipinas na pinangunahan nina Standhardinger, Baser Amer at Troy Rosario, gayundin nina Kiefer Ravena, Ray Parks Jr. at Kobe Paras.

Ang nasabing koponan ay nanalo ng gintong medalya, matapos talunin ang Indonesia, 94-55.

Pero, ngayong nagpalakas nang husto ang Indonesia sa pagkuha kay Bowles at kay coach Toroman, inaasahang mapapalaban nang todo ang Gilas Pilipinas.

Ang SEA Games ay gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, kung saan ang basketball event ay gaganapin mula Disyembre 4-10 sa MOA Arena sa Pasay City.

 

342

Related posts

Leave a Comment