MARK DICKEL, BAGONG GILAS COACH

PINANGALANAN na rin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang magiging interim coach ng Gilas Pilipinas para sa first window ng Fiba Asia Cup qualifiers at siya ay walang iba kundi si TNT Katropa consultant Mark Dickel.

“In his short stint in the Philippines,  Coach Mark has performed creditably well,” sabi ni SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan sa isang press release.

Nauna nang isinawalat sa Fiba website na si Dickel ang mamumuno sa coaching staff Gilas, kasama sina Sandy Arespacochaga at Nenad Trunic.

Pangungunahan ng Australian-Kiwi coach ang 24-man pool Gilas na binubuo ng mga beterano at bagitong players, kabilang na rito ang limang rookies na pinili sa Gilas special draft.

Ang Pilipinas ay kasama sa Group A, na kinabibilanganb din ng Indonesia, Thailand, at Korea.

Makakaharap ng Gilas ang Thailand sa Pebrero 20,  at Indonesia sa Peb. 23.

Iginiit ng SBP na wala pa silang nahahanap ng full-time head coach para sa national team, at kung sakaling may mapili na ay iaanunsiyo nila ito bago ang second window ng Fiba Asia Cup qualifiers sa Nobyembre.

Inakay ni Dickel ang TNT sa tatlong playoff appearances sa PBA noong nakaraang taon, kasama na rito ang finals stint sa Commissioner’s Cup. (EBG)

PH 3X3 TEAM BUBUUIN NG 2 PBA AT TOP 2 PLAYERS

NAGKASUNDO na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at namamahala sa ligang Pilipinas 3×3 na dalawang top 2 players sa bansa at dalawa mula sa Philippine Basketball Association (PBA) ang bubuo sa national team na sasalang sa Olympic Qualifying Tournament para sa Fiba 3×3 event sa 2020 Tokyo Olympics.

Ayon sa mapagkakatiwalaang source, ito ay upang mapalakas ang Philippine 3×3 Team at lumaki ang tsansa ng bansa na masungkit ang isa sa tatlong silya na nakataya sa Bangalore, India sa darating na Marso 18-22.

Nabatid na nagkaisa na rin sa wakas ang SBP at Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 na magsanib-pwersa upang magkuwalipika ang national team sa kauna-unahang pagsasagawa ng 3×3 competition sa kada apat na taong multi-sports tournament.

Una nang inihayag ng Pilipinas 3×3 ang pagkuwalipika ng bansa sa Fiba 3×3 OQT matapos makasama sa 20 seeded teams ng naturang international association.

Tampok sa 10 manlalaro na nakatipon ng mataas na puntos sa international rankings sa Fiba 3×3 World Tour ang itinuturing ngayon na Top 2 players sa bansa na sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol.

Sina Munzon at Pasaol ay inaasahang sasamahan ng dalawang two-way players mula sa PBA na hindi muna pinangalanan hanggang wala pang basbas ng kanilang mother team.

Ang tanging tiniyak ng source, ang isa sa mga PBA player ay malaki at ang isa pa ay power forward, na kapwa mahusay lumaro sa ilalim.
Nasa Group C ang Pilipinas 3×3 team kasama ang Slovenia, France, Qatar, at Dominican Republic.  (ANN ENCARNACION)

EALA, NUGROHO UMABANTE SA FINALS NG AUSTRALIAN OPEN JUNIOR GIRLS’ DOUBLES

UMUSAD sa final round ng Australian Open’s junior girls’ doubles tournament ang Filipina junior tennis star na si Alex Eala at partner nitong si Priska Madelyn Nugroho ng Indonesia makaraang talunin ang top-seeded tandem nina Kamilla Bartone ng Latvia at Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa tatlong sets kahapon.

Makakaharap nina Eala at Nugroho sina Slovenia’s Ziva Falkner at United Kingdom’s Matilda Mutavdzic sa finals ngayong araw, January 31.

Naging mabagal ang simula nina Eala at Nugroho na tinambakan sa opening set, 1-6, nina Bartone at Fruhvirtova. Naging dikit naman ang laban sa second set, bago nakuha nina Eala at Nugroho ang 7-5 win. Sa tiebreaking third set, agad kumamada sina Bartone at Fruhvirtova para sa 7-1 advantage bago unti-unting humabol sina Eala at Nugroho upang maging 8-4 ang iskor. Sa huling mga sandali ay anim na magkakasunod na puntos ang pinalo nina Eala at Nugroho para sa ibulsa ang 8-10 panalo at umabante sa championship round.  (VT ROMANO)

192

Related posts

Leave a Comment