MAYORS CHOLO VIOLAGO, RJ MEA, AT BERNIE TACOY WAGI SA ELEKSIYON!

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

ABA’Y ilang araw matapos magbotohan, halos kalahati na ng kabuuang bilang ng kopya ng election returns ang natanggap ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Ia-anunsiyo rin kung tugma ba ang nai-audit na election ­returns sa mga susunod na araw.
Kabi-kabila naman ang pag-endorsong natanggap ni House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para maging bagong House Speaker.

Sabi ni Romualdez, isusulong niya sa Kamara ang “unity” agenda ng papasok na Marcos administration.

Matunog ang pangalan ni Romualdez, pinsan ni presidential front-runner Bongbong Marcos, bilang posibleng House Speaker.

Sa kabilang banda, lumulutang din ang pangalan ni dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi pa nga lang ito ­malinaw.

Bumuo na rin ang Malacañang ng isang transition team para simulan ang paghahanda para sa pagpapalit ng bagong administrasyon.

Ito ay bago pa man ­tuluyang bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa katapusan ng Hunyo.

Hindi pa nga lang daw malinaw kung sinu-sino ang ­mangunguna sa team.

Ngunit sa mga lokal na pamahalaan, malinaw na kung sinu-sino ang mga nanalo.
Sa Tiaong, Quezon, wagi si Boss RJ Mea.

Nakakuha si Mea ng 37,504 votes, malayo sa pangalawa sa kanya na si William Razon na may 18,361 votes.

Pangatlo naman si Raul ­Aldovino na nakasungkit lamang ng 1,085 votes.

Nangibabaw rin ang isa pang lodi ng inyong lingkod na si Boss Bernie Tacoy sa pagka-alkalde ng Matag-ob, Leyte.

Nakasikwat si Tacoy ng 8,186 votes habang pinakain niya ng alikabok ang kalabang si Michael Torrevillas na may 3,841 votes.

Nanalo rin sa pagka-bise ­alkalde si Vincent Lynbern Tacoy.

Nakadale si Vincent ng 8,203 votes na napakalayo sa kalaban nitong si Bushie Torrevillas na may 3,769 votes.

Si Tacoy ay kilalang commercial breeder at lodi ng mga sabungeros at talpakeros.

Kaya naman, malaki ang naging ambag ng mga ka-­Sabong sa kanyang panalo.

Magandang balita rin, mga ka-Sabong, dahil wagi rin si Boss Cholo Violago sa ­pagka-meyor ng San Rafael, Bulacan.

Nasa 42,771 ang nasungkit ni Violago kaya’t idineklara na siyang panalo ng local Commission on Elections (Comelec).

Si Violago ay commercial breeder din ng Pitmaster Live.

Ngayong tapos na ang halalan, alisin na natin ang pagkawatak-watak.

Mahalagang magkaisa na ang bawat isa para maisulong ang magandang kinabukasan ng ating bansa, lalawigan, lungsod, at mga bayan.

Congrats at Mabuhay po kayo mga bossing!

64

Related posts

Leave a Comment