(NI VT ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor)
NAGBABAGO na ba ng isip si Floyd Mayweather hinggil sa pakiki-rematch kay Manny Pacquiao?
Pinanood ni Mayweather ang laban ng alagang si Gervonta Davis sa Baltimore noong Sabado ng gabi, kung saan dinemolis nito ang kasagupang si Ricardo Nunez.
Tinanong ang 42-anyos na si Mayweather ng ring announcer kung may plano ba siyang muling lumaban.
Sagot niya: “We don’t know … only time will tell.”
Ang nasabing tugon ni Mayweather ay nangangahulugan lamang na hindi pa niya tuluyang isinasara ang pintuan para sa rematch.
Nagretiro si Mayweather sa professional boxing na may 49-0 record, matapos talunin si Andre Berto noong Setyembre 2015. Ito ay ilang buwan matapos ang laban kay Pacquiao, na kanyang tinalo ng point decision.
Bumalik si Mayweather at tinalo UFC star Conor McGregor noong 2017 at muling sumalang sa exhibition match laban sa isang Japanese kickboxer na si Tenshin Nakamura.
Sa nabanggit na laban ay tumipak ng milyon si Mayweather.
Nito lamang nakaraang linggo, sinabi ni Leonard Ellerbe, adviser ni Mayweather, na walang interes ang boksingero na makipag-rematch kay Pacquiao.
Pero, matapos talunin ng 40-anyos na Fighting Senator si Keith Thurman, muling nabuhay ang panawagan sa rematch, lalo pa’t pinanood ni Mayweather ang nasabing laban.
Kasunod pa nito ang palitan ng batikos ng magkabilang kampo sa social media, na kung ia-analisa ay tila kinukuha lamang ni Mayweather ang pulso ng fans.
271