NAKAKALULANG INSENTIBO

0

ROLL VTR Ni VT ROMANO

WALANG pagsidlan ang tuwang naramdaman ni Hidilyn Diaz matapos ang gold medal performance, Lunes ng gabi sa Tokyo Olympics. Maging ang sambayanang Pilipino, tuwang-tuwa rin.

E kasi naman, unang Olympic gold medal iyon. Umabot ng 97 taon bago nangyari.

Talagang kahanga-hanga ang ginawa ni Diaz. Ito’y sa kabila ng samu’t saring pinagdaanan habang naghahanda sa Olympic Games, na naurong ng isang taon.

Tila naging blessing pa nga ang pagkakaantala ng Tokyo Games dahil sa pandemic.

Nadagdagan kasi ang panahon ng paghahanda, hindi lang ni Diaz kundi maging nang 18 pang Pinoy athletes na nasa Tokyo.

Sa pagkapanalo ni Diaz, bukod sa naunang P33M incentives mula sa PSC, MVPSF (Manny Pangilinan) at SMC (Ramon S. Ang) at Cong. Mikee Romero, dumagsa pa ang mga nangako ng insentibo.

Mayroong house and lot, condo unit, libreng gasoline, libreng sakay sa eroplano, etc.

Nakakalula na nga ang halaga kung susumahin dahil abot na sa P50 milyon.

Bigla nating naalala si Mansueto ‘Onyok’ Velasco. Matapos mag-silver medal ni Velasco noong 1996 Olympic Games, may mga nag-pledge rin ng bonus.

Noong panahong iyon, ang incentives ng PSC para sa maka-kaginto ay P1 milyon, P750,000 sa silver at P500,000 (bronze).

“Ang nangyari kasi nun, ung mga incentives dapat sa gold medal lang, pero tinuring na gold ‘yung silver ko, kaya nabigyan ako ng house and lot ni Mr. Oscar Violago, nabigyan din ako ng dalawang sasakyan ng Nissan at P750,000 cash incentives ng PSC,” lahad ni Velasco.

Nakisakay sa kanyang silver medal feat ang noo’y House Speaker na si Joe de Venecia at nangako ng additional incentives na P2.5 milyon.
Asan ang P2.5M?

“Wala daw kasing papel, dokumento at batas (noon) tungkol sa incentives, kaya hindi ko nakuha ‘yun. Bago mag-pandemic, lumapit din ako kay Sen. Bong Go, nag-follow-up ako, pero, wala nga daw papel o dokumento sa congress, hindi daw alam saan hanapin,” aniya.

Nagbiro pa si Velasco: “Ganito na lang sinasabi ko, pinangakuan ka na nga, gusto mo pa tuparin.”

Sa ngayon, may pinapaaral pang anak si Velasco na nasa high school, malaking bagay sana kung maibibigay pa sa kanya ang nasabing incentives.

Ang punto natin dito, nawa’y mapasakamay ni Diaz lahat ng ipinangako sa kanyang insentibo.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment