ORCOLLO ‘DI PABABAYAAN NG GAB

DISMAYADO si Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa masaklap na kapalaran ni Filipino world billiard champion Dennis ‘Robocop’ Orcollo, na nakulong sa Los Angeles at napauwi nang wala sa panahon bunsod ng kawalan ng tamang dokumento.

Sa kanyang social media account ay ibinahagi ni Orcollo ang pagdakip ng US Immigration sa kanya pagdating sa Los Angeles airport, maging ang 16 oras na pagkulong sa kanya bago pinabalik sa Pilipinas noong Lunes.

“The GAB is very sorry to hear that our top professional billiard player and world champion has been detained in the US for overstaying beyond his VISA expiration. We cannot blame Dennis Orcollo if he stayed much longer in the US due to the lack of tournaments in the country,” ani Mitra.

“GAB is more than willing to assist him in renewing his Professional Billiard Player License and make the endorsement to US Embassy,” dagdag niya. “Wala tayong problema sa ating mga billiards player with regards sa pag-secure ng kanilang mga lisensiya.”

Taong 2020 sa kasagsagan ng pandemya sa bansa, kabilang si Orcollo sa ilang pro cue artists na tumulak sa US para lumahok sa US billiards Tour kung saan namayagpag ang 43-anyos mula Surigao.

Tinagurian siyang ‘The Money Game King’ nang talunin ang Amerikanong si Shane Van ­Boening sa makapigil hiningang 120-119 score sa one-on-one 9-ball tournament sa loob ng tatlong araw sa Bill’s Bar and Billiards sa Oklahoma City noong 2020.

Nakatakda sana siyang sumali sa serye ng torneo sa LA nang dakpin bunsod ng expired visa.

“I had no idea what exactly rules of law in the US about my visa status. I need a lawyer to help me out in my situation,” pahayag ni Orcollo sa kanyang FB post.

Ikinuwento rin niya na hindi man lamang siya binigyan ng kahit anong pagkain at maiinom na tubig sa loob ng 16 oras na pagkadetine, at hindi rin pinayagang gumamit ng telepono upang maiparating sana sa kanyang mga kaanak at kaibigan sa US ang kanyang kalagayan.

“I used my phone only when I arrived in the Philippines,” himutok ng SEA Games at Asian Games champion, na sinabing “charge to experience” na lang ang ang nangyari sa kanya.

Si Orcollo o ‘Robocop’ ang kasalukuyang no. 1 sa AZBilliards’ 2021 Money List tangan ang US$166,645 premyo.

Samantala, wala pang pahayag ang mother association ni Orcollo na Billiards and Carom Association of the Philippines (BCAP) kaugnay sa kanyang pagkaka-ban sa US ng limang taon. (DENNIS IÑIGO)

111

Related posts

Leave a Comment