PACQUIAO HUMIRIT NG SPARRING BAGO UMALIS

PACMAN-4

DUMATING na si Filipino boxing legend Manny Pacquiao sa Estados Unidos kasama ang misis na si Jinkee, mga anak at ang buong training staff.

Pero, bago umalis noong Sabado ng gabi, humirit pa ng sparring ang Fighting Senator sa Elorde Gym sa Five E-Com Center sa Pasay City.

Tig-apat na rounds sina Australian George Cambosos Jr. at Jeric Chavez, lightweight champion ng Pilipinas, kung saan nakipagsabayan ang dalawa kay Pacquiao sa suntukan.

“Kaya ako umispar ngayon, kasi pagdating sa LA, siyempre may jetlag pa, hindi agad ako makakaispar, kaya umispar muna ako ditto (Manila),” wika ni Pacquiao, na noong nakaraang Disyembre 17 ay nagdiwang ng ika-40 kaarawan sa Gen. Santos City.

Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang WBA welterweight crown kay Adrien Broner sa Enero 19 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.

Ito ang pagbabalik sa Amerika ni Pacquiao makalipas ang dalawang taon, kung saan huli niyang sinagupa si Jesse Vargas noong 2016.

Huling sabak naman ng eight-division world champion noong Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia kontra kay Lucas Matthysse ng Argentina na kanyang tinalo via knockout.

Tatapusin ni Pacquiao ang huling bahagi ng training sa Wild Card Boxing Club ni Freddie Roach, na kinuha niyang consultant. (VTROMANO) (Photo by: Weldell Alinea/OSMP)

529

Related posts

Leave a Comment