(Ni VIRGI T. ROMANO, Saksi Ngayon, Sports Editor)
LAS VEGAS – Hindi na tumapak sa running oval o kahit sa gym si eight division world champion Manny Pacquiao nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) para magpapawis.
Ibig sabihin, hindi ito nag-aalala sa kanyang timbang.
Sina Pacquiao at Thurman ay tutuntong sa weighing scale ngayong araw ng Biyernes (Sabado sa Manila) sa MGM Grand Garden Arena dito para sa official weigh-in ng kanilang 12-round WBA welterweight showdown bukas.
At dahil hindi na nagpapawis si Pacquiao kahapon, tiyak na swak ito sa 147-pound limit.
Inaasahan ding walang magiging problema si Thurman sa kanyang timbang. Ito ay sa kabila ng mga haka-hakang hirap ang undefeated champion mag-maintain ng timbang nitong mga nakaraang araw, na mariin namang pinabulaanan ng kanyang kampo.
Ang 30-anyos na si Thurman ay ilang beses nang sumobra sa 147 pounds sa kanyang mga nakalipas na laban. Pero, sa nakalipas na sampung laban ay nagagaw na nitong makontrol ang timbang na hindi lalampas sa 147 limit.
Habang ang 40-anyos na Pambansang Kamao nama’y laging ‘under’ sa nasabing weight limit.
Tumimbang si Pacquiao ng 146 pounds nang sagupain si Adrien Broner noong Enero.
Kapwa sumailalim sa matinding ensayo at paghahanda ang dalawang boksingero.
Siniguro ni conditioning trainer Justin Fortune na nasa 100% condition si Pacquiao habang nagsasanay sa Wild Card Gym sa Los Angeles, habang si Thurman nama’y sumailalim sa masusing pagbabantay ng kanyang conditioning tactician sa St. Petersburg Boxing Club sa Florida.
Sa weigh-in ngayon, inaasahang muling aatake ang ‘trash talk’ ni Thurman laban kay Pacquiao, na tiyak namang ngiti lang ang isusukli ng Pinoy ring icon.
Ito rin ang unang paglabas ni Thurman sa ‘pay-per-view’ habang ika-25 naman ni Pacquiao.
122