PAGADIAN, ROXAS NAKAISKOR

NANAIG ang host team Pagadian laban sa BYB Kapatagan, 79-67, Huwebes ng gabi para makisosyo sa ikalawang puwesto sa pagtatapos ng double-round elimination ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium, Zamboanga del Sur.

Pareho na ngayon ang Explorers at Buffalos na may 7-5 kartada. Ngunit angat ang Pagadian bunsod ng 12 puntos na kalamangan sa panalo sa una nilang paghaharap.

“Ibang klase itong Kapatagan, grabe ‘yung composure nila. Ngayon pagod sila, nag-take advantage kami doon,” wika ni Pagadian head coach Gherome Ejercito.

Pinangunahan ni Judel Fuentes ang Pagadian sa naiskor na 19 puntos at limang rebounds, habang kumana sina Charles Pepito at John Quimado ng 14 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nanguna naman si Gayford Rodriguez sa Kapatagan na may 22 puntos.

Sa ikalawang laro, naputol ng Roxas ang two-game losing skid sa impresibong 79-70 panalo laban sa Basilan BRT.

Umusad ang Vanguards sa 6-5 record.

Nakabangon mula sa 19 puntos na paghahabol ang ­Basilan Peace Riders sa mainit na 15-2 run para sa 72-66 iskor sa ­nalalabing 3:22 minuto sa laro.

Ngunit hindi pinayagan nina James Martinez, Marlon Monte at Nick Abanto na makaalpas ang Basilan nang naisalpak ang krusyal basket para selyuhan ang panalo.

“Ang game plan namin talaga ay dumepensa. Noong nawala ‘yun nakahabol ang Basilan kaya bumalik lang kami sa depensa,” sambit ni Roxas head coach Alvin Grey.

Kumana si Abanto ng 20 puntos para sa Vanguards, habang tumipa si Martinez ng 17 puntos at kumubra si Monte ng 10 puntos.

Samantala, binawi ng liga ang dikitang 71-70 panalo ng Zamboanga Sibugay sa Pagadian nitong Disyembre 3 matapos magdesisyon na i-default ang laro bunsod ng kabiguan ng team na palaruin ang homegrown player na si Jeff Acain, na isang paglabag sa regulasyon ng unang pro league sa South.

Hindi sinasadya na nailagay sa lineup si Acain, depensa naman ng Zamboanga Sibugay.

Kasalukuyang sosyo sa ika-apat na puwesto ang Warriors at Roxas sa 6-5 kartada.

46

Related posts

Leave a Comment