PATAFA or no PATAFA, tuloy preparasyon ni EJ sa 2024 Olympics

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

SA kabila ng gusot na kinasasangkutan niya kaugnay sa paratang ng Philippine ­Athletics Track and Field Association (PATAFA) na paglustay ng pondong laan sa kanyang training, tuloy pa rin si Ernest John “EJ” Obiena sa paghahanda sa XXXIII Games of the Olympiad na gaganapin sa Paris, France sa 2024.

At tinanggalan man siya ng PATAFA ng lahat ng tulong pinansiyal para sa kanyang ­training, ipinahayag ng Asian at Philippine pole vault record holder (5.93 meter) na magtatayo siya ng sariling koponan na tatawaging “Team Obiena” na mamamahala sa kanyang preparasyon para sa inaasam na gintong medalya sa Paris Games.

Sa kanyang social media account, inihalintulad niya ang Team Obiena sa ginawa ni first Olympics (Tokyo) gold medallist ng bansa na si Pinay weightlifter Hidilyn Diaz.

Pagtatapat ni EJ, sisimulan ang plano sa Olympic qualifier pa lamang hanggang sa paglahok niya sa mga international competitions, tungo sa main goal – Olympic gold.

Itinuturing ng mga Pilipino ang 2024 Paris na makasaysayan dahil ito ang ika-100 taong paglahok ng bansa sa Olimpiyada, kung saan mag-isang iwinagayway ni sprinter David Nepomuceno ang ating bandila noong 1924.

Kaya masidhi ang pagnanais ng anak ng mga dati ring pambansang atleta na sina Emerson (pole vaulter) at Jeanette ­(hurdler) na magtagumpay sa susunod na edisyon ng Palaro.

Si EJ ay halos anim na taon nang nasa pagkakandili ng maalamat na Ukrainian coach na si Vitaly Petrov, conditioning coach James Michael Lafferty at nutritionist Carol Lafferty. Ngunit kailangan pa rin aniya ng “capable and motivated personal assistant to be part of our winning team that will work full throttle towards our goal – win a medal, possibly gold in the Olympics.”

Parte ng magiging trabaho ng PA sa Team Obiena: “Coordinating among the various members of the team (coaches, sponsors, agents, etc.), as well as representing the athlete for key responsibilities and tasks required in Manila. But he/she will also be required to travel extensively in various parts of the world, especially in Europe.”

At kabilang sa mga requirement para sa nasabing ­posisyon ay; dapat college graduate, based in Manila, articulate and fully fluent in Filipino and English, IT literate with a strong command of Excel, PowerPoint, Word, may alam sa financial management and facts and ­figures, strong interpersonal skills, at able to build relationships. At sa mga interesado, maaaring magpasa ng resume sa hrobiena@yahoo.com.

5

Related posts

Leave a Comment