PBA, ATRAS NA SA DUBAI EXPO

HINDI magpapartisipa ang PBA sa mini-tournament na parte ng selebrasyon ng Dubai Expo 2020.

Imbitado ang tatlo hanggang apat na PBA teams sa Dubai Expo mini-tournament, ngunit nag-beg off ang liga dahil sa muling pagsipa ng COVID-19 cases sa bansa, partikular ang Omicron variant.

Ang imbitasyon ay ipinadala ni Kevin Brown, planning and management vice president, master calendar-events and entertainment ng Expo 2020, na isagawa sa ­Enero 27 hanggang 30 sa Expo Sports Arena, sa nasabing bansa.

Ang Dubai Expo ay isang trade fair na nagtatampok ng mga inobasyon at iba’t ibang produkto mula sa iba’t ibang bansa sa mundo na nagsimula noong Oktubre 1, 2021 hanggang Marso 31, 2022.

Dahil sa pagtaas sa Alert Level 3 (mula 2) ng National Capital Region, napilitan ang liga na itigil ang dapat ay season-ending Governors’ Cup.

Nagpadala na si PBA Commissioner Willie Marcial ng sulat-paliwanag sa pagtanggi sa imbitasyon ng Dubai, kung saan ­maraming Overseas Filipino Workers.

Nagpasalamat din si Marcial sa mga opisyal ng Dubai, na sa tatlong taong nakalipas ay pinayagan ang liga na magsagawa ng dalawang games ng Governors’ Cup tampok ang Barangay Ginebra, San Miguel at NLEX.

Sa mga unang buwan ng COVID-19 pandemic, nag-alok din ang Dubai na i-host ang 2020 Philippine Cup sa pamamagitan ng isang bubble setup sa Coca-Cola Arena. (ANN ENCARNACION)

63

Related posts

Leave a Comment