PBA Governors’ Cup crown GINEBRA DEDEPENSA

NI ANN ENCARNACION

PUSPUSAN ang ensayo ng Barangay Ginebra kasama si Justin Brownlee para sa nalalapit na PBA Governors’ Cup.

Sa isang Instagram video na pinost ni veteran Joe Devance, makikita ang sigasig ng Gin Kings at kanilang resident import sa paghahanda para sa 2021 season ending conference.

Magugunitang ang 33-­year-old forward ang naging alas ng Gin Kings upang makopo ang ­Governors’ Cup crown noong 2019.

Nag-average si Brownlee ng 29.1 points, 12.8 rebounds, 6.8 assists, 1.9 steals at 1.4 blocks sa nasabing panahon.

Dulot ng COVID-19 pandemic, tanging All-­Filipino Cup (bubble format) lang ang naisagawa ng liga noong nakaraang taon.

Kaya sa pagbabalik ng import-laden PBA ­conf­­­­erence, desidido ang Ginebra at si Brownlee na ipagtanggol ang kanilang 2019 title.

Magsisimula ang ­Gov­ernors’ Cup simula Disyembre 8 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Ngunit sa Dis. 12 pa maglalaro ang Gin Kings katapat ang Alaska Aces.

Samantala, balak ng PBA na buksan sa fans ang reinforced conference lalo sa araw ng Pasko.

Sinabi ni Commissioner Willie Marcial, kinausap na ng Araneta Coliseum sa Quezon City at Mall of Asia Arena sa Pasay City ang kanilang LGU kaugnay sa plano ng liga.

Nauna nang tinalakay ng PBA sa representatives ng dalawang venues ang ipatutupad na safety and health protocols sa bawat playing date.

Nakatakdang magsimula ang reinforced conference nang wala munang fans.

“December 8 to 15 malamang Ynares tayo. Siguro pagkatapos ng (Dec. 15) by next week, may mga fans na,” ani Marcial.

Tiniyak din ng commissioner na may PBA game sa mismong Christmas Day.

Ayon pa sa kanya, malalaman sa susunod na linggo kung ano ang protocols na ipapatupad sa LGUs at venues.

4

Related posts

Leave a Comment