PBA PH CUP CHAMPION: BEER O MANOK?

manok12

LARO NGAYON:

(SMART ARANETA COLISEUM)

7:00 P.M. — MAGNOLIA VS SAN MIGUEL

(NI JJ TORRES/PHOTO BY MJ ROMERO)

KAPWA nangako ang San Miguel Beermen at Magnolia Hotshots Pambansang Manok na ibubuhos ang lahat ng kanilang kakayahan at lakas para makamit ang championship ng PBA Philippine Cup ngayong gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Isang exciting ending ang posibleng maganap sa Game 7 na nakatakda sa alas-7:00 ng gabi, matapos ang anim na laro kung saan nagpamalas ng lakas ang Beermen sa opensa at depensa naman para sa Hotshots.

Ang tanong lamang ay kung kaninong lakas ang mananaig sa huling yugto ng pinakaimportanteng tournament ng PBA season.

“Siguro pati mga ibang weapon na nangangalawang sa bahay dadalhin na namin para lang matetano agad namin sila,” wika ni San Miguel forward Arwind Santos.

Walang balak ang San Miguel na ibigay ang trono na hawak nila sa huling apat na taon, kaya’t magpupursige sila para pigilan ang tangka ng Hotshots na maagaw ang korona.

Pero, para mangyari iyon, kailangan ng Beermen na mag-deliver ang mga main players nito maliban sa star center nilang si June Mar Fajardo.

Hirap makuha nina Chris Ross, Arwind Santos, Christian Standhardinger, Marcio Lassiter at Terrence Romeo ang kanilang consistency, kaya’t importante na sila’y magpakitang-gilas para maipagpatuloy ng Beermen ang kanilang paghahari sa All-Filipino tournament.

Itataya ni Beermen coach Leo Austria ang kanyang unbeaten record sa Game 7 upang makuha ang kanyang 7th career championship.

Ang Hotshots naman ay babangko kay Mark Barroca na siyang top performer ng team sa serye. Ngunit si Barroca ay gumawa lamang ng anim na puntos na nagresulta sa 98-86 na talo nila noong Linggo.

Gayunpaman, kumpiyansa si coach Chito Victolero na makakabawi si Barroca at makapagbigay ng isang crucial performance para sa Magnolia.

Ilan din sa mga susi ay sina Ian Sangalang, Paul Lee, Jio Jalalon, Rome dela Rosa at Rafi Reavis para maulit ang naasam nilang saya nang mag-kampeon sa Governors’ Cup noong nakaraang season.

112

Related posts

Leave a Comment