PBA YEAR-ENDER

Ni ANN ENCARNACION

NATULOY ang 46th season ng Philippine Basketball Association (PBA) sa kabila ng patuloy na pagragasa ng COVID-19 pandemic.

At tuloy ang pag-dagdag ng pahina sa kasaysayan ng liga, na ngayon ay kabilang na sa East Asia Super League, kasama ang mga piling koponan mula sa rehiyon ng Asia at Oceania.

Ang bagong liga na EASL ang panibagong hamon sa PBA, na kasali pa rin sa pagbubuo ng pambansang koponan na sasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam at 19th Asian Games sa China.

Mayroong mga beteranong manlalaro rin ang PBA na tuluyan nang nag­retiro, ang pinakahuli ay sina Peter Jun Simon at Jean Marc Pingris.

Si Pingris ay napabilang sa Purefoods at 15 season na naglaro sa liga, habang si Simon ay inabot ng 18 taon sa nasabi pa ring prangkisa.

Nauna sa kanila si Cyrus Baguio na naglaro sa anim na prangkisa sa 17 taon sa liga. Harvey Carey na naglaro para sa TNT sa loob ng 17 taon, JC Intal na nakasama sa apat na prangkisa sa loob ng 13 taon, at Jay-R Reyes na nakasali sa 8 prangkisa sa kabuuang 14 PBA seasons.

Nagbalik si coach Chot Reyes sa TNT Tropang Giga, kapalit ni Bong Ravena. Tinapik ng Elasto Painters si coach Caloy Garcia bilang kapalit ni Chris Gavina, at si Blackwater Bossing coach Nash Racela ay pinalitan ni Ariel Vanguardia.

Kinuha naman bilang import ng Japan Basketball League si NLEX guard Kiefer Ravena.

Matapos ang natatanging Philippine Cup na ginanap sa bubble format noong nakaraang taon, nagdesisyon ang PBA Board of Governors na magsagawa ng two-conferences ngayong season – Philippine Cup ay Governors’ Cup.

Naluklok muli si Ricky Vargas ng TNT sa ikaapat na sunod na termino bilang chairman ng PBA Board of Governors. Kasama niya sina Bobby Rosales ng Terrafirma bilang vice chairman at Richard “Dickie” Bachmann ng Alaska, treasurer at chairman naman ng PBA 3×3.

Noong Hulyo 9, matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang proposal para maisagawa ang 46th season, nasimulan ang PBA bubble noong Hulyo 16.

Gayunpaman, Hulyo 21 ay kinansela ang apat na laro tampok ang TNT Tropang Giga at Terrafirma Dyip, dahil sa pagpositibo sa COVID ng isang manlalaro mula sa TNT.

Sunod na natigil ang laro noong Agosto 3, nang isailalim ang Metro Manila at mga kalapit na probinsiya sa Enhanced Community Quarantine simula Agosto 6 hanggang 20.

Nagbalik laro ang liga noong Agosto 23 matapos na makakuha ng permiso kay Pampanga Governor Dennis Pineda para ituloy ang games sa Don Honorio Ventura State University, Bacolor simula Setyembre 1.

Tinanghal na kampeon sa 2021 Philippine Cup ang TNT Tropang Giga ni coach Chot Reyes.

Nagsimula naman ang import-laden Governors’ Cup noong Disyembre 6, habang ang kauna-unahang PBA 3×3 ay noong Nobyembre 20.

Nito lamang Disyembre 10, inaprubahan ng Quezon City government ang hiling ng PBA na makapagsagawa ng live games sa Smart Araneta Coliseum.

101

Related posts

Leave a Comment