(NI JOSEPH BONIFACIO)
NAKATAKDANG tumanggap ng awtomatikong one-game suspension si UP coach Bo Perasol bunsod ng kanyang ejection sa emosyonal na laban ng UP at Ateneo sa pagtatapos ng UAAP Season 82 men’s basketball tournament kamakalawa sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay ayon mismo kay UAAP Commissioner Jensen Ilagan, base na rin sa house rules ng liga na nagpapataw ng agarang suspensyon sa manlalaro o head coach na napaalis sa isang laro.
“Obviously, there’s our house rule na one-game suspension na sanction. We’ll try to serve the memo of suspension as soon as we can. They have 48 hours naman to make an appeal. Hopefully, we can iron out everything before their next game,” ani Ilagan.
Nasibak sa laro si Perasol sa 6:24 marka ng third quarter matapos sugurin at sigawan ang isang referee bunsod ng hindi aniya nito pagtawag sa tingin niya ay foul ni Angelo Kouame kay Jerson Prado.
Nagngitngit sa galit si Perasol na naawat lamang ng Fighting Maroons coaching staff at players palabas sa playing court.
Naiiwan ang UP noon, 35-47, at hindi na nakaahon pa tungo sa masakit na 63-89 kabiguan.
Subalit dahil nakita rin si Perasol na umamba ng suntok at naka-fighting stance, nakatakda ang UAAP na rebyuhin ang video at pag-aralan kung mayroon pang nararapat na karagdagang sanction.
“We cannot make any decision until we have the materials available. With that, we need to review the whole video again if meron pang other actions na nangyari. Sabi nga nila maraming nagci-circulate na photos pero we cannot use that as basis. We’re now requesting the materials to be given to us para ma-review namin lahat,” dagdag ni Ilagan.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Perasol na inaasahang hindi matutulungan ang Fighting Maroons kontra sa FEU na kanilang unang kalaban sa second round sa Linggo sa Mall of Asia Arena.
“I apologize, first for my team, for losing it. It really doesn’t matter what happens on the court, but I have to think about my composure because that is what I preach and I was the one who lost it. It was basically the reason why we played that way,” aniya. “That was a lesson for us, and I don’t think that that was who we are. It was mostly because of what I did.”
145