(NI JJ TORRES)
LAHAT ng natutunan at naranasan nina rookie players CJ Perez at Robert Bolick sa pagsabak sa FIBA World Cup bilang miyembro ng Philippine team, ay bibitbitin at gagamitin sa kani-kanilang koponan sa pagbabalik aksyon ng PBA.
Magsisimula sa Setyembre 20 ang Governors’ Cup sa Mall of Asia Arena.
Ang season-ending conference ay tatampukan din ng dalawang laro sa Dubai ang NLEX kontra San Miguel Beer sa Oktubre 4 at crowd-darling Brgy. Ginebra Barangay Ginebra sa susunod na araw.
Haharapin ni Perez at ng Columbian Dyip ang Alaska Aces, na mabibinyagan ang bago nitong coach na si Jeffrey Cariaso sa unang laro, sa ganap na alas-4:30 ng hapon, habang si Bolick at ang NorthPort Batang Pier ay haharapin ang Rain or Shine Elasto Painters sa alas-7:00 ng gabi.
Determinado ang dalawa na ipamalas sa harap ng PBA fans ang mga natutunan nila noong World Cup sa China kung saan nasurpresa ang lahat sa maganda nilang pinakita sa kabila na unang salang nila iyon sa international basketball scene.
Si Kiefer Ravena naman ay maglalaro sa kanyang unang PBA game matapos ang 18 buwan na FIBA suspension sa susunod na araw na playing days ng PBA, kung saan ang NLEX Road Warriors ay haharapin ang Phoenix Pulse Fuelmasters sa Smart Araneta Coliseum.
Babalik din sa pamilyar na posisyon bilang NLEX coach si Yeng Guiao, na nagbitiw bilang bench tactician ng Gilas Pilipinas nitong Miyerkoles, matapos ang kampanya ng pambansang koponan sa China.
Sisimulan din sa parehong araw ang title defense ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok kontra Meralco Bolts. Babalik bilang import ang dating high school teammate ni LeBron James na si Romeo Travis.
Bubuksan naman ng San Miguel Beermen ang misyon nilang makuha ang historic na Grand Slam sa Setyembre 25 laban sa Phoenix sa Big Dome. Ang laban ay mangyayari matapos ang kanilang kampanya sa East Asia Super League Terrific 12 sa Macau.
Magtatapat naman sa unang pagkakataon bilang professional players sina Ravena at Ray Parks Jr. sa game ng NLEX at Blackwater Elite sa Setyembre 29 sa Sta. Rosa, Laguna.
Ang top eight teams matapos ang eliminations ay papasok sa quarterfinals. Hawak naman ng No. 1 hanggang No. 4 seeds ang twice-to-beat advantage.
Best-of-five naman ang semis at mananatiling best-of-seven ang Finals.
149