Ni DENNIS IÑIGO
DALAWANG gintong medalya ang nabingwit ng Philippine beach volleyball team sa three-day tournament na nagtapos nitong weekend sa Australia.
Nakuha ang unang ginto ng women’s duo nina Jovelyn Gonzaga at Dij Rodriguez matapos magwagi sa Women’s Challenger Division I final laban sa host bets na sina Alice Zeimann at Anna Donlan, 18-21, 21-19, 15-13.
Panalo rin ng ginto ang men’s tandem nina Ranran Abdilla at Jaron Requinton kontra kina Australian Issa Batrane at Frederick Bialokoz, 22-20, 21-17, sa Men’s Challenger Division I final.
Ang mas impresibo pa, nakapagposte ng perpektong 5-0 sina Abdilla at Requinton sa tatlong araw na torneo.
Samantala, kumubra ng pilak ang magpartner na Sisi Rondina at Bernadeth Pons makaraang kapusin laban kina Nikki Laird at Phoebe Bell, 18-21, 12-21, sa Women’s Elite group final.
Nagkasya naman sa tansong medalya ang magtandem na Nene Bautista at Gen Eslapor sa Women’s Challenger Division I, at Pemie Bagalay at James Buytrago sa Men’s Challenger Division I.
Nasa Brisbane ang national beach volleyball team para sa isang buwan na training camp para sa nalalapit na pagsabak sa Southeast Asian Games sa Vietnam sa Mayo. At bahagi ng pagpapalakas ng men’s at women’s team ang paglahok sa mga local competitions dito.
Napasakamay ng Pilipinas ang dalawang bronze medals sa beach volleyball sa 2019 SEA Games at target nila na mahigitan ito sa 31st edition.
90