PINOY ATHLETES DEHADO SA 2023 SEAG CAMBODIA

Ni ANN ENCARNACION

TAGILID ang mga atletang Pilipino sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa susunod na taon.

Nagdesisyon na ang host country na aprubahan ang 608-events sa 49-sports na gaganapin sa Phnom Penh at Siem Reap mula Mayo 5-16, 2023.

Ito ang pinakamalaking SEA Games sa rami ng events na ka­ramihan ay pabor sa host, ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino.

Iginiit umano ng Cambodia na sila (bilang host) lamang ang maaaring maglagay ng 100 porsyentong partisipasyon sa combat sports o martial arts at nilimitahan ang ibang bansa sa rehiyon sa 70 porsyento lamang.

Ang hakbang ng Cambodian ay katulad din sa ginawa ng ­Malaysia noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur.

“Our athletes should focus harder and train more to get to the podium,” ang tanging payo na lamang ng POC chief sa mga atletang Pinoy na sasabak sa Cambodia.

Kabilang sa sport events na inalis ng host country ang 50 kgs class women’s kumite, kung saan nagkampeon si Filipino-Japanese Junna Tsukii sa World Games.

Samantala, isinama ng Cambodia ang dalawang katutubong sports: Kun Bokator, martial art practices ng sinaunang Khmer military, at Ouk Chatrang, isa namang Khmer chess game na may nakatayang anim na gintong medalya sa bawat disiplina sa total 21 events.

Tig-apat na gintong medalya lang din ang inilaan para sa women’s at men’s artistic gymnastics, na naging ‘minahan ng ginto’ ni Pinoy world champion Carlos Yulo noong 2019 at 2021 SEAG.

Sinabi ni Tolentino, pangulo rin ng PhilCycling, muling hihimayin ng POC ang mga sasalihang sports ng mga ipapadalang atleta sa Cambodia.

“We have time to analyze Ouk Chatrang and see if our athletes can perform well in the sport,” anang apat na taong naging kalihim ng International Chess Federation o Fide at 16 taon naman sa National Chess Federation of the Philippines.

Pilipinas ang SEAG host na may pinakamaraming sports (56) ngunit may 530 events lang noong 2019, habang Vietnam ay may 40 sports at 526 events noong Mayo 2022, at Brunei ang may hawak ng record-low 22 sports at 233 events noong 1999.

LOYZAGA,
2023 SEAG CDM

ITINALAGA ng POC si former Ginebra player at ngayon ay baseball federation president na si Joaquin “Chito” Loyzaga bilang Chef de Mission (CDM) ng Team Philippines sa 32nd SEA Games sa Cambodia.

Makakasama ni Loyzaga sina sambo head Paolo Tancontian at canoe-kayak head coach at international technical official Leonora “Len” Escollante bilang deputies.

Related posts

Leave a Comment