(NI VT ROMANO)
MATATAPOS bago magsimula ang 30th SEA Games ang mga renobasyon ng sports facilities sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).
Ito ang kumpiyansang inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, base na rin aniya sa pahayag ng mga contractor ng anim na major facilities na gagamitin sa biennial meet sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Ayon kay Ramirez, ang Rizal Memorial Coliseum (RMC), na sumasailalim sa major rehabilitation sa unang pagkakataon spol noong 1953, ay inaasahang matatapos sa Nobyembre 14, habang ang Ninoy Aquino Stadium (NAS) , pati ang tennis center at football stadium ay handa na sa Nobyyembre 21.
“I’m excited to see these (renovated) sports facilities,” pahayag ni Ramirez sa panayam ng Philippine News Agency, matapos ang pagbisita ng mga miyembro ng media sa ginagawang renobasyon.
Sinabi naman ni architect Gerard Lico, ang rehabilitasyon ng 85-year-old Rizal Memorial Coliseum ay 85% na, at siniguro na ang retrofitting, installation of air-conditioning, lights, new chairs, at iba pang ikakabit ay matatapos bago ang November 13 turnover nito sa PSC.
Dagdag pa ni Lico, hindi tumitigil ang may 250 manggagawa para matapos agad ang pasilidad.
“All materials we used are imported and we made sure that the historical design of the building are protected,” wika ni Lico.
Noong 2017, ang National Museum at ang National Historical Commission of the Philippines ay idineklara ang RMSC bilang isang importanteng cultural property at national historical landmark.
Ang coliseum ay magiging venue ng gymnastics, habang ang weightlifting at taekwondo naman ay lalaruin sa NAS.
Ang pagsasaayos ng mga nasabing pasilidad ay bahagi ng ipinagkaloob na P842 milyong pondo mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
163