SEA GAMES IAATRAS?

sea123

ISANG araw matapos bumaba si Ricky Vargas bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC), sinimulan ng kanyang kapalit na si Joey Romasanta ang trabaho at nangakong walang sasayanging oras para masigurong magiging tagumpay ang hosting ng Pilipinas ng 30th Southeast Asian Games na limang buwan na lamang mula ngayon.

Pero, batid ni Romasanta na tambak na trabaho ang susuungin at kailangang matapos sa takdang oras.

Inuna ni Romasanta ang pag-aatas kay dating POC secretary general Steve Hontiveros na magpatawag ng emergency SEA Games Federation Council meeting, para maipaabot sa 10 iba pang member countries ang pinakahuling ulat sa preparasyon ng Pilipinas.

Ayon kay Romasanta, kailangan nilang makahanap ng solusyon para maresolba ang iniwang problema na nagresulta sa pagbibitiw ni Vargas.

“A lot of work still needs to be done,” lahad ni Romasanta. “We have to regroup and sync everything together not just on the part of the POC, but also on the part of the PSC (Philippine Sports Commission), the SEA Games Federation Council, and our national government. Everybody has to be aligned and be on the same page. We have to find a solution in every problem.”

At isa sa nasisilip na solusyon ng POC upang hindi magahol sa panahon, ay ang pag-aatras sa petsa ng 30th SEA Games mula Nobyembre at gawing first quarter ng 2020.

O di kaya’y bawasan ang bilang ng events dahil ang 56 sports ay magiging masyadong mahirap na responsibilidad para sa Pilipinas bilang host, lalo na nga at kapos na sa panahon.

Isa sa naging isyu sa POC ay ang pagkakatatag ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation, Inc., na pinamumunuan ni Taguig Congressman-elect Alan Peter Cayateno, na nag-operate nang walang approval ng POC Board. Nagresulta ito sa pagbibitiw ni Vargas bilang pangulo ng POC.

Si Cayetano ang inatasan sa pag-organisa sa hosting ng Pilipinas sa SEA Games, kaya itinatag ang PHISGOC na nasa ilalim ng pamumuno ng POC at hindi ng isang foundation na gaya ng binuo nila ni Vargas na PHISGOC Foundation, Inc., at wala rin silang karapatang pumasok sa anumang kontrata na may kinalaman sa sponsorship at suppliers.

Gayunpaman, sinabi ni Romasanta, na handa sa trabaho at mamadaliin ang lahat matapos ang unang POC general assembly sa Hunyo 25 sa GSIS gymnasium.

“We are ready to pick up the pieces,” ani Romasanta, na nag-courtesy call na rin kay PSC chairman William Ramirez.

Itinawag na rin ni POC board member na si lawyer Clint Aranas kay Executive Secretary Salvador Medialdea hinggil sa pagbabago sa pamunuan ng POC.

272

Related posts

Leave a Comment