TERRENCE ROMEO: FROM NEGA TO BIDA

BAGONG salta, bagong bida.

Iyan ang kinahantungan ni Terrence Romeo sa panig ng bagong koponan na San Miguel Beer na kinupkop siya upang maging isa ring matagumpay na manlalaro kapara ng ibang Beermen.

Matapos maisukbit ang kanyang unang kampeonato sa PBA noong nakaraang conference sa Philippine Cup, nasungkit naman ngayon ni Romeo ang kanyang unang Finals MVP bunsod ng isa na namang titulo ng Beermen sa katatapos lang na 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Pambihirang turnaround ito para sa dating franchise player na si Romeo na noong nakaraang taon lang ay nalagay sa kontrobersya mula sa dati niyang koponan na Talk ‘n Text na sa pihit ng tadhana ay siyang tinalo ng SMB ngayong mid-season conference, 4-2.

Napaulat noong nakaraang taon ang sigalot sa pagitan ni Romeo at ng KaTropa na nagtulak sa kanya upang matrade sa SMB kapalit nina Brian Heruela, David Semerad at future picks.

Mula sa pagiging main star at franchise player noon lalo na sa kanyang unang PBA team na Globalport (Northport ngayon), hindi naging madali para kay Romeo ang transition bilang role player sa star-studder na SMB team na mayroon ng sandamukal na championships sa likod ng solid core nito sa pamumuno ni five-team PBA MVP June Mar Fajardo.

Subalit tinanggap ni Romeo ang hamon na ito at tuluyang hinagkan na sa loob ng dalawang conferences lang ay nagbunga agad.

Kung dati’y panay individual awards lang tulad ng Scoring Champion at All-Star MVP ang mayroon si Romeo, ngayon ay may team prize na siya na dalawang kampeonato at isang Finals MVP upang makumpleto ang kanyang transformation sa isang kumpletong manlalaro na ngayon.

Nag-rehistro si Romeo ng 14.8 puntos, 4.3 rebounds at 2.3 assists sa six-game Finals win ng Beermen upang mahalal bilang PBA Press Corps – Finals MVP.

Subalit kung inaasahan ng marami na titigil nalang basta si Romeo sa pagkolekta ng dagdag pang mga parangal, hindi iyon ganoon kadali dahil handa si Romeo na madala ang SMB sa pambihirang grandslam na makukumpleto nila sa Governor’s Cup matapos angkinin ang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.

“Ang importante, pagbalik namin sa third confernece, kailangan buo pa rin kami para sa goal namin na makuha yung championship,” maikling wika ni Romeo na hindi pa rin makapaniwalang 2-time PBA champion na siya ngayon at Finals MVP pa.

Ang kabutihang palad, hindi na lamang one-man show si Romeo ngayon kagaya ng mga panahon niya sa mga dating koponan dahil nakasuporta sa kanya ang solidong SMB core nina Fajardo, Chris Ross, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Christiand Standhardinger para sa misyong mabigay sa SMB franchise ang ikalawa nitong PBA grandslam simula nang una itong magawa noong 1989.

Bago iyon ay susulitin muna nila ang kasiyahaan at selebrasyon ng kanilang ikalawang sunod na titulo bago ang pagbubukas ng season-ending conference sa Setyembre 20 pagkatapos ng gaganaping 2019 FIBA World Cup sa Foshan, China mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.

 

 

134

Related posts

Leave a Comment