TEST EVENT, NAKALINYA

seagames6

(NI JEAN MALANUM)

MATAPOS ang matagumpay na staging ng Asean Grand Prix na nagsilbing test event ng volleyball sa Los Banos, Laguna ay nakatuon naman ang pansin ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) sa lima pang kompetisyon na gagawin bago magsimula ang 30th SEA Games sa Nobyembre 30.

Nakatakdang idaos sa Subic Bay Boardwalk (Zambales) ang modern pentathlon sa Oktubre 9-10, samantalang gagawin ang athletics at diving (Oktubre 26-27) at waterpolo (Oktubre 28) sa mga pasilidad na itinayo sa loob ng New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac.

Ang esports test event ay lalaruin sa Flying V FilOil Arena sa San Juan, Metro Manila.

Ang 22 events na lalaruin sa test event na naka-schedule mula Oktubre 26-27 sa 20,000-seater Athletics Stadium ay 100m, 200m, 400m, 800m, 1500m, 5000m, 10000m, 110m hurdles, 400m hurdles, 3000m steeple chase, 4x100m relay, 4x400m relay, high jump, long jump, triple jump, pole vault, shot put, discus throw, javelin throw at hammer throw sa men’s at women’s categories. Kasama rin ang 4x100m at 4x400m sa mixed categories.

Hindi pa masiguro ang bilang ng mga atleta na kalahok dahil sa ang deadline ng pagsusumite ng entry by number ay sa Oktubre 12 samantalang sa Oktubre 19 naman ang entry by name.

Nasubukan na ng mga Pinoy athletes ang competition venues sa loob ng NCC dahil dito rin ginawa ang PATAFA qualifiers gayundin ang Philippine Swimming, Inc. (PSI) National Open noong isang buwan.

Inaasahan naman na lalahok sa test event ang lahat ng PATAFA athletes na naka-lineup sa SEA Games.

Dalawa sa members ng national team na inaasahan na magmedalya ay sina Fil-Americans  Kristina Knott at Zion Corrales-Nelson na kapwa nagpakitang-gilas sa kani-kanilang pre-SEAG training.

Nakapagtala si Knott ng oras na 11.42 seconds sa 100-meter dash event ng Asian Grand Prix at nagsumite rin siya ng second-best time na 23.62 seconds sa Philippine National Open.

Ang parehong oras ay mas mahusay kumpara sa nagawa ni Vietnamese Le Thun Chinh sa 2017 Malaysia SEA Games kung saan nakapag-rehistro siya ng 11.56 seconds para talunin si Malaysian Zaidatul Husniah Zulkifli at makuha ang gold medal.

Ang 11.41 seconds naman na naitala ni Corrales-Nelson sa isang US NCAA tournament ngayong taon ay mababa sa 11.56 seconds at 23.32 seconds na nagawa ni Le nang magwagi ito sa 200-meters event.

Sa 2019 SEA Games trials na ginawa sa Vietnam noong isang linggo, nagsumite si Le ng oras na 11.67 seconds.

Hindi kasali sa SEA Games ngayon si Zaidatul na nagkaroon ng injury. Pumangalawa siya kay Le sa  100-meter (11.74 seconds) at 200-meter (23.63 seconds) event sa Malaysia.

Nakuha ni Zaidatul na ma-improve ang kanyang oras sa 11.65 seconds nang lumahok siya sa 100-meter event sa Ipoh, Malaysia.

Nakatakdang ipahayag ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) ang composition ng national team matapos ang final tryouts na ginawa noong isang linggo sa New Clark City Athletics Stadium sa Capas, Tarlac.

 

121

Related posts

Leave a Comment