MULING kumasa sa US tourney ang tinaguriang “The Magician” cue artist na si Efren “Bata” Reyes.
Inihayag ng organizers ng 2022 Iron City Open sa Iron City Billiards sa Birmingham, Alabama na si Reyes ay kalahok sa dalawang torneo, ang One Ball One Pocket mini tournament at regular Open One Pocket event.
Ongoing na ang mini tournament na nagsimula noong Martes (Enero 4), habang ang regular event ay sumikad Miyerkoles (US time).
Parehong naka-livestream online sa Pool Action TV ang dalawang US Northeast Tour para sa mga billiards afficionado.
Nakatakda rin sumabak si Reyes sa Derby City Classic event sa Enero 21.
Maraming Pinoy ang natuwa sa pagbabalik sa US tourney ni Reyes, lalo’t nabawasan ang pambato ng bansa sa sport kasunod ng limang taong ban sa isa pang beteranong cue artist at miyembro ng national billiards team na si Dennis Orcollo.
Pinabalik sa Pilipinas si Orcollo ng US Customs kasunod ng limang taong travel ban sa kanya bunsod ng visa infraction. (ANN ENCARNACION)
