KONTING pawis lang ang inubos ng University of Santo Tomas (UST) para walisin ang Lyceum of the Philippines University (LPU), 25-18, 25-13, 25-21 SA PVL Collegiate Conference, Linggo sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Habang winalis din ng Arellano University Lady Chiefs ang Technological Institute of the Philippines (TIP) Lady Engineers, 25-12, 25-7, 25-12.
Matapos mawala ng dalawang collegiate season dahil sa injury, nagbalik na sa aksyon si former UAAP Rookie of the Year EJ Laure at tinulungan ang Tigresses sa panalo.
Dalawang puntos lang ang kanyang ginawa dahil nilimitahan pa ang kanyang pagsalang, pero kasama sa puntos ang pampanalong iskor.
Si Imee Hernandez ang namuno sa UST na may 9 points, habang si Janna Torres ay may walong puntos.
Nag-ambag sina Necole Ebuen at Regine Arocha ng tig-10 points para sa reigning NCAA champions Lady Chiefs, na tinapos ang laro sa loob lang ng 69 minuto.
Tinalo naman ng University of Perpetual Help ang San Sebastian College sa four sets, 25-14, 25-22, 22-25, 25-17.
Sinamahan ng Arellano ang UST at College of St. Benilde sa unahan ng Pool B.
98