TULOY ANG LABAN! – MANNY PACQUIAO

0

Ni EDDIE ALINEA

TINIYAK ni eight world division champ Manny Pacquiao na tuloy ang laban niya kontra Errol Spence Jr.

Katunayan, nitong Sabado ay bumiyahe si Pacquiao at kanyang training team patungong Los Angeles, California kung saan ipagpapatuloy ang kanyang paghahanda para sa darating na laban sa undefeated American boxer.

Maghaharap ang dalawa sa 12-round welterweight (147 lbs) unification bout sa Agosto 21 sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Si Spence ang kampeon ng International Boxing Federation at World Boxing Council, habang napaulat na ibabalik na ng World Boxing Association ang korona ni Pacquiao, na kanilang tinanggal dahil sa ‘inactivity’ o kawalan ng laban dulot ng COVID-19 pandemic.

Huling umakyat sa ring si Pacquiao noong Hulyo 2019 kung kailan ipinalasap niya kay Keith “One Time” Thurman ang kauna-unahang pagkatalo nito via split decision (113-114, 115–112, 115–112).

Nagsimulang mag-training muli ang ‘fighting senator’ mahigit tatlong linggo na ang nakararaan sa Pacman Boxing Gym sa ­General Santos City. Itutuloy niya ang ensayo sa Wild Card Gym ni training consultant Freddie Roach sa Hollywood.

Noong nakaraang linggo ay idinemanda si Pacquiao ng breach of contract ng Paradigm Sports para pigilan ang boxing match nila ni Spence.
Habol din ng Paradigm ang $3,300,000 umano’y ibinigay na paunang bayad sa Pambansang Kamao para sa hindi natuloy na laban nito kay four-division boxing champion Mikey Garcia.

Ngunit iginiit ni Pacquiao na wala siyang kontrol sa nakatakda niyang unification bout.

“I have already been training for the fight the past one month or so kung kaya’t imposibleng sa akin manggaling ang kahilingang patigilin ang laban,” ani Pacman sa reporter na ito.

NABALAM NA PAGLIPAD

MULA sa Haneda Airport sa Japan, bumalik sa Pilipinas ang eroplanong sinasakyan ni Senator Manny Pacquiao patungong Los Angeles dahil sa isang kapwa pasahero na may sakit.

Nabatid na kabilang ang senador at kanyang training team sa 186 na sakay ng PAL Boeing 777 aircraft na bumalik kahapon (Linggo) sa Manila Airport bago mag-12nn dahil sa isang pasahero na may diabetes.

Inilipat sa ibang eroplano si Pacquiao at iba pang mga pasahero at natuloy din ang kanilang LA flight ng 2pm.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment