UE, HARI SA UAAP 82 FENCING

HINDI natinag sa trono ang University of the East sa men’s division sa ikawalong sunod na taon, habang nabawi naman ng women’s team ang korona nito.

Hindi rin nagpahuli ang junior teams nang manatiling kampeon sa pagtatapos ng UAAP Season 82 Fencing tournament sa Paco Arena.

Ang Red Warriors ay nanaig kontra Ateneo, 45-42 sa men’s team foil finals para kumpletuhin ang five-gold, one-silver medal haul tungo sa kanilang 14th title overall.

Iiwan ni Sammuel Tranquilan ang UE bilang winner sa paghablot ng kanyang ikatlong sunod na MVP award.

Bagama’t tapos na ang playing years ni Tanquilan bilang Warrior, magpapatuloy pa rin ang fencing program ng UE para makadiskubre ng panibagong talent.

“Marami namam tayong mga rising stars na parating. Tuloy-tuloy naman kaming nagte-training mula sa ilalim. Yung transition talaga namin, malalim,” komento ni UE coach Amatov Canlas.

Isa sa tinutukoy ni Canlas si Rookie-MVP winner Queendenise Dalmacio, nanguna sa Lady Warriors sa napanalunang four gold, one silver at three bonze medals tungo sa pagkopo sa league-best 13th crown.

“Actually, magkaka-batch iyan. Sina Queen at Sam (Catantan). Sabay-sabay iyan noong time na ni-recruit ko sila noong mga bata pa talaga ang mga iyan,” sabi ni Canlas, siya ring humawak sa national fencing team na nanalo ng two gold medals sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.

“Tumaas din ang level ni Queen magmula noong nakapasok siya sa national team. Naglaro siya ng SEA Games kaya iba na ang mental toughness niya,” dagdag niya.

Ang 20-anyos na si Dalmacio ay impresibo, partikular sa women’s individual saber event.

“Hindi ko nga inaasahan na magiging Rookie-MVP siya. Deserved naman niya talaga iyan,” ayon pa kay Canlas.

Ipinagpag ng UE ang De La Salle, 45-36, sa women’s team epee finals at bumalik kinahapunan para talunin naman ang UST, 45-19, sa women’s team saber gold medal match.

Tumapos na pangalawa ang Blue Eagles sa men’s division (1-3-1) at pangatlo ang Green Archers (0-1-5).

Habang runner-up ang La Salle (1-2-1) at third placer ang last season’s champion Lady Eagles (1-1-2).

Umiskor naman ng golden double ang UE sa high school division.
Binigyan si Samantha Catantan ng magandang pabaon ng UE sa kanilang pagwawagi ng ika-siyam na sunod na girls crown, habang 10-peat naman ang nakubra ng boys’ team.

Sa likod ng mahusay na laro ni Catantan, tinalo ng UE ang UST sa dikitang 45-44 sa girls team saber final para kumpletuhin ang six-gold sweep, kasama ang 45-30 win laban pa rin sa UST sa team epee final.

Isang Asian U23 gold medalist na lalaro sa US NCAA Division I’s Penn State sa College, si Catantan ay muling tinanghal na MVP at iiwan niya ang UE na isang matagumpay na koponan.

“Sobrang layo na ng narating ni Sam,” lahad ni Canlas. “From UE, to UAAP, tapos nadiscover siya sa US, pupunta sa magandang school. Hindi lang Penn State ang nag-recruit sa kanya, maraming school. Pero ang sabi ko sa kanya mas maganda sa Penn State, gagaling at tataas ang level mo.”

Sa boys’ division, si MVP Shawn Felipe ang umakay sa UE sa 45-9 win vs UST sa team foil final tungo sa five-gold medal haul at paghablot sa ikasampung sunod na korona. (VT ROMANO)

127

Related posts

Leave a Comment