(NI JOSEPH BONIFACIO)
LARO NGAYON:
(MOA ARENA, PASAY)
2:00 P.M. – ADU VS NU
4:00 P.M. – UE VS UP
PALALAKASIN pa ng University of the Philippines Fighting Maroons ang tangan nito sa segunda pwesto, kasabay nang pagresbak mula sa huling kabiguan, habang magtatangka naman ang tatlong bottom teams na manatiling buhay ang kanilang pag-asa sa Final Four sa umaatikabo na namang 82nd UAAP men’s basketball actions ngayon sa MOA Arena.
Nakasabit sa no.2 spot hawak ang 5-3 baraha, iiwas ang Fighting Maroons na malaglag sa kumpol na gitnang bahagi ng team standings, sa pakikipagsagupa nito kontra sa University of the East Red Warriors sa main game sa alas-4:00 ng hapon.
Nanganganib sa ibabang bahagi, isasalba naman ng Adamson Falcons at National University Bulldogs ang kanilang mga kampanya upang mapanatili ang maliit na tsansa sa Final Four sa kanilang krusyal na banggaan sa alas-2:00 ng hapon.
Ang UP, lumaro sa unang pagkakataon ngayong season na wala si head coach Bo Perasol, ay nagawang habulin ang 16-point deficit, subalit kinapos at natalo sa kamay ng FEU Tamaraws sa overtime, 82-79 noong Linggo.
Ang kabiguang iyon ang nais ipaghiganti ng Diliman-based dribblers sa pagharap sa Red Warriors.
Wala pa rin si coach Perasol sa bench ngayong hapon, kaya muling si top deputy Ricky Dandan muna ang mamando sa atake ng UP kasama sina Kobe Paras, Bright Akhuetie, Juan Gomez De Liano, Jun Manzo, Ricci Rivero at Javi Gomez De Liano.
Sa kabilang banda, hindi naman susuko nang ganun lang ang UE lalo’t gutom din itong makabalik sa winning track.
Matapos ang two-game winning streak nito, nadapa ang Red Warriors kontra sa Growling Tigers sa pamamagitan ng masaklap na 73-101 kabiguan.
Ang UE ay may barahang 3-6.
Muling inaasahang kakayod sina Red Warriors’ Rey Suerte, Neil Tolentino, Harvey Pagsanjan at Alex Diakhite.
234