NAITAKBO ng University of Santo Tomas ang 4-3 panalo laban sa Ateneo sa Game Three at ibulsa ang UAAP Season 82 Juniors’ Baseball crown kahapon sa Rizal Memorial Baseball Stadium.
Walang nag-akalang magagawa ng UST na mag-kampeon, matapos ang last place finish sa Season 81.
“Overwhelming, yun lang masasabi ko. Lahat ng credit sa laro na ito ay sa mga bata. Lumaban sila,” lahad ni Junior Golden Sox head coach Jeffrey Santiago, matapos nilang angkinin ang ikalawang titulo sa tatlong taon.
Angat ng isa sa seventh inning, 4-3, si UST pitcher John Rafael Regalado ay na-struck out ang unang dalawang batters ng Ateneo, bago narrating nina Exekiel Laygo at Marcel Guzman ang base. Mula sa two on at two outs, iginiya ni Regalado si Dax Fabella, para biguin ang Ateneo sa walk-off win.
“Na control ng pitcher ko yung laro. Sumusunod naman siya saka nakondisyon talaga yun, matibay ang pitcher ko eh si Regalado at saka alam kong humihina na yung pitching ng Ateneo kaya pina-bunt ko na kasi napansin ko last game, hindi makuha ng pitcher kapag nag bunt kami,” salaysay pa ni Santiago.
“Kapag naka-hit sila malamang talo kami, sabi ko tirahin natin nang tirahin ng curveball, noong hinabol nila, strikeout. Magaling talaga ang pitcher ko,” dagdag pa niya.
Si Finals MVP Regalado, na nag-pitch ng seven inning sa 7-3 win ng UST sa Game Two ay kinumpleto ang laro, kung saan nagawa niyang makapagbigay lang ng five hits at one walk, habang 11 ang kanyang na-punch out na sluggers.
Naghahabol buhat sa 1-2 iskor sa fifth inning, narrating ni Alwyn Piñero ang home matapos ang blooper sa centerfield ni Bryan Camarsi para itabla ang iskor sa 2-2, bago nakapag-convert sina Jester Tapia at Camarsi ng dalawa pang runs at kunin ang kalamangan.
Ito ang huling taon nina Regalado, Miggy Reyes, Ceejay Diesta, Steve Dominguez, Junel Cruz at Kyle Bacarisas para sa UST.
Habang graduating na rin sa high school para sa Ateneo sina Matt San Juan, reigning Best Pitcher Zach Urbina, Fabella, Guzman, Laygo, Joaquin Casanova, Joaquin Mendoza, Matthew Peña, Emilio Perez, Juan Dela Rosa, at Kean Agcaoili.
128