VIETNAM ASAM ANG TOP 3 FINISH SA SEA GAMES

(NI JEAN MALANUM)

TARGET ng Vietnam na manalo ng 70 hanggang 72 gold medals para makasama sa Top 3 overall sa 30th Southeast Asian Games na idaraos sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Umaasa ang 568 atleta na kasama sa 856-member Vietnamese contingent na makakakuha ng gold medals sa athletics (12-14), cycling (1), fencing (3), football (2), gymnastics (5), judo (2), karate (6),  swimming (11),  taekwondo (3), weightlifting (1-2) at wrestling (8).

Ang iba pang sports na sasalihan ng Vietnam ay archery, arnis, aerobics (gymnastics), badminton, basketball, billiards, bowling, boxing, canoeing, chess, dance sport, diving, esports, golf, handball, jiujitsu, kickboxing, kurash, muay, pencak silat, petanque, rhythmic gymnastics, rowing, sambo, sepak takraw, shooting, skateboarding, table tennis, tennis, triathlon, volleyball at wushu.

Sa ginawang send-off ceremony para sa delegasyon noong Sabado sa Hanoi, pinuri ni Vietnam Culture, Sports and Tourism Minister Nguyen Ngoc Thien ang determinasyon ng kanilang mga atleta sa pagsasanay upang makasiguro na magiging maganda ang kanilang performance sa SEA Games na gagawin sa Pilipinas sa ikaapat na pagkakataon.

Hinimok rin ng ministro ang mga atleta na gawin ang kanilang makakaya para mabigyan ng karangalan ang bansa dahil sa ang susunod na edisyon ng SEA Games ay gagawin sa Hanoi.

Sa 2017 SEA Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia ay nagwagi ng 59 golds, 49 silvers at 60 bronzes ang Vietnam para makuha ang pangatlong pwesto sa likod ng host Malaysia (145 golds, 92 silvers at 86 bronzes) at Thailand (72 golds, 86 silvers at 88 bronzes).

Ang 30th SEA Games ay tinaguriang pinakamalaki sa history ng kumpetisyon dahil sa meron itong 56 sports na tinatampukan ng 530 events.

Mapapanood ang mga laro nang live sa Facebook, YouTube at 2019 SEA Games official website.

144

Related posts

Leave a Comment