VisMin Super Cup Mindanao Challenge KAPATAGAN-ZAMBO SIBUGAY SA BEST-OF-THREE FINALS

MAGHAHARAP ang No.3 seed BYB Kapatagan at No.4 Zamboanga Sibugay sa best-of-three finals ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup ­Mindanao Challenge simula ngayon (Miyer­koles).

Nanaig ang Kapatagan kontra host team Pagadian, 66-56, sa knockout semifinals match Lunes ng gabi sa Pagadian City ­Gymnasium, Zamboanga Del Sur para angkinin ang huling upuan sa Mindanao Challenge finals na magsisimula ngayong 8:00 ng gabi.

“Hindi ko inisip noong mag-umpisa kami dito na makakaabot kami sa finals. Hindi talaga,” pahayag ni Kapatagan head coach Jaime Rivera.

Naghabol sa kabuuan ng first half, nagawang maagaw ng Buffalos ang bentahe tampok ang 10-0 run sa final period at palobohin ang lamang ­hanggang 12 puntos, 50-38, sa nalalabing 8:03 minuto.

Nagpalitan ng basket ang magkabilang panig bago muling nakuha ng Kapatagan, sa pamamagitan nina Garexx Puerto at KD Ariar, ang double digit lead, 57-44.

“Sinabihan ko na talaga yung players na hanggang walang buzzer, walang bibitaw kaya ayun, na-maintain namin’yung lead namin,” sambit ni Rivera.

Nagsalansan si Jonel Bonganciso ng 15 puntos, walong rebounds, dalawang steals at isang block para sa Buffalos, habang nag-ambag si Gayford Rodriguez ng 10 puntos at pitong rebounds.

Naunang umabante sa finals ang Zamboanga Sibugay nang gapiin ang top seed GlobalPort-MisOr, 81-64.

2

Related posts

Leave a Comment