WBO CROWN NI IOKA SUSULUTIN NI NIETES

NI VT ROMANO

SISIKAPIN ni former four division world champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na muling makabalik sa kanyang paghamon kay World Boxing Organization (WBO) junior-bantamweight holder champion Kazuto Ioka ngayong gabi (Hulyo 13) sa Ota-City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.

Ang 12-round encounter ay rematch ng kanilang 2018 New Year’s eve fight sa Wynn Palace Cotai, Macau.

Wagi si Nietes, 40, sa nasabing laban via split decision, kung saan tinanghal siyang four weight division champion at nahanay kina eight-division champion Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr. Hinubad ni Nietes ang 115-lb belt ilang buwan makaraang ­talunin si Ioka. Kasunod nito, tinalo ng Japanese boxer si ­Filipino boxer Aston Palicte noong Hunyo 2019 upang maging bagong WBO champion.

Si Nietes, may record 43-1-6, 23 KOs ay dalawang taong nagpahinga kasunod nang pagsasara ng ALA Boxing Promotions kung saan isa siya sa mga boksingero nito.

Sa kanyang comeback fight noong Abril 2021, tinalo niya via unanimous decision si ­Pablo ­Carillo ng Colombia para sa bakanteng WBO international super-flyweight title sa Caesars Place sa Dubai, UAE.

Sa ilalim ng Probellum ­Promotions, huling umakyat sa ring si Nietes noong Disyembre 11, 2021 sa Dubai rin, para idepensa ang titulo laban kay ­Norberto Jimenez ng Dominican Republic at nauwi sa split draw.

Si Ioka, 33 anyos, may ­record 28-2 at 15KOs ay may five-match winning streak sapul nang matalo kay Nietes (2018) at ­nakapagdepensa na ng korona laban kina Jeyvier Cintron, Kosei Tanaka, Francisco Rodriguez Jr., at Ryoji Fukunaga.

Si Nietes ang longest-­reigning Filipino boxing world champion. Sinira niya noong 2014 ang record na itinala noong 1967 ni ­Boxing Hall of famer Gabriel “Flash” Elorde.

Ang rematch kay Ioka ay pinakaaasam ni Nietes dahil ito ang magiging tuntungan niya upang makabalik sa dating kinalalagyan.

“Dream come true ito sa akin. Gusto ko talaga mabawi ang ­korona. Pinaghandaan ko maigi ang labang ito,” lahad ni Nietes, kasama sa Japan ang trainer ­niyang si Edmund Villamor.

Kung papalarin, si Nietes ang unang magiging world champion ng Pilipinas, matapos agawin ni Mexican Rey Vargas kay Mark Magsayo ang WBC featherweight crown Sabado ng gabi sa San Antonio, Texas.

91

Related posts

Leave a Comment