Yuka Saso, tunay na Pinoy

Ni EDDIE ALINEA

LALONG pinahanga ng Pilipina at bagong U.S. Women’s Open champion na si Yuka Saso ang daigdig ng golf noong Linggo (Lunes sa Manila) kung kailan ipinamalas niya ang kanyang pagmamahal sa Pilipinas at wikang Pilipino.

Noong huling round ng 54-hole ng kompetisyon, ipinakita ng 19-anyos ang pusong palaban ng mga Filipino para ­maging kauna-unahang magreyna sa prestihiyosong torneo na ginanap sa Olympic Club course sa San Francisco.

Sa sumunod na press conference sa pagbibigay ng ginintuang tropeo at medalya, sinagot ng tubong ­Bulakenyang golfer ang mga tanong ng mga mamamahayag sa wikang ­Tagalog na lalong ikinahanga sa kanya ng mga dumalo, ­kabilang ang isang malaking grupo ng kanyang mga kababayan.

Nang tanugin ng isang ABS-CBN TV correspondent na naka-base sa Bay Area, ibinahagi ng tubong San Ildefonso na si Saso kung paano niya napagtagumpayan ang problema niya sa simula ng huling round, kung saan ang laro niya ay nabahiran ng magkasunod na double-bogey.

“Medyo nainis po ako nun,” pag-amin niya. “Pero kinausap po ako ng caddie ko na nagsabing marami pang butas at dapat magtiwala ako sa sarili kong kakayahan. Yun po yung nakatulong sa akin.”

Pinasalamatan din ni Saso ang lahat ng Filipinong nagpunta sa Olympic Club para suportahan siya sa tatlong araw na labanan ng lakas at isip.

“Sobrang malaki po yung pasasalamat ko sa kanilang lahat sa pagpunta po rito. Alam ko po na hindi madaling kumuha ng tickets, maraming tao, kailangan po nilang makipagsiksikan… ­Maraming salamat po at marami po kayong binigay sa aking ­energy,” bigkas ni Saso.

Malalaman sa Hunyo 28 mula sa International Golf Federation ang official ranking base sa mga torneong ginanap sa buong taon at kung sino ang uusad sa Tokyo Olympics, bagama’t tiyak nang pasok si Saso.

Sa pagwawagi niya sa U.S. Open, tinablahan niya ang ­Koreanang si Park Inbee bilang pinakabatang kampeon sa 19 anyos, 11 buwan at 17 araw.

Animnapung (60) manlalaro sa men’s at women’s divisions ang papasok sa Olympics.

“Marami pa pong tournaments. Focus lang po muna ako sa mga upcoming tournaments. But super excited po ako for the Olympics,” saad ni Saso.

Isa pang dayuhang reporter ang nagtanong sa bagong kampeon kung ano ang kahalagahan ng kanyang tagumpay para mabigyan ang mga kabataan ng inspirasyon na maglaro ng golf? Sinagot naman niya ito sa wikang Hapones.

Ang ama ni Saso ay Hapones.

Isa sa mga nanood sa Olympic Club ay ang kanyang teammate sa national team na si Bianca Pagdanganan, na sa huling araw ng torneo ay nag-cheer sa kanya at

kumuha ng mga highlights ng makasaysayan niyang tagumpay.

Sa isa sa mga video na na-post sa Instagram ay rinig na rinig si Bianca na sumisigaw ng: “Let’s go, Yuka bebs. I love you!”

“She’s a fighter!” caption naman niya sa picture katabi ang scoreboard.

Sina Yuka at Bianca ay magkasama noong 2018 Asian Games sa gold medal team kabilang si Lois Kaye Go. Naka-gold din ang Fil-Jap sa individual event.

80

Related posts

Leave a Comment