(NI ANN ENCARNACION)
HANGAD ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Sports Institute (PSI) na mapasakamay nina gymnast Carlos “Caloy” Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena ang mailap na Olympic gold.
Kaya’t bumuo sila ng Team Yulo at Team Obiena para hindi makawala ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa kada apat na taong Olympics na gaganapin ngayong taon sa Tokyo, Japan.
Hindi pa nakaka-ginto ang bansa sa Olympics sa loob ng pitong dekadang pagsali nito sa pinakaprestihiyosong sports competiton sa buong mundo.
Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, layunin nila na matutukan ang mga pangangailangan ng dalawang atleta sa propesyonal at personal na aspeto na may kaugnayan sa kanilang paghahanda para 2020 Olympics.
Ang Team Yulo at Team Obiena ay binubuo ng isang foreign coach, psychologist, nutritionist, masseur, physiotherapist at strength and conditioning coach.
Una nang ginawa ang naturang istratehiya kay 2016 Rio De Janeiro women’s weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz.
At dahil sa naging epektibo ito kay Diaz, ganito rin ang gagawing istratehiya kina Obiena at Yulo.
Sa kasalukuyan, halos abot-kamay na ni Diaz ang isa pang silya sa Tokyo Olympics.
Kung hindi masisilat, ito ang magiging ikaapat na pagkakataon niya para iuwi ang pinakamimithing unang Olympic gold ng bansa.
Nagsasanay sa ngayon si Obiena sa ilalim ng foreign coach na si Vitaly Petrov sa Italy, habang si Yulo ay hinahasa ng kanyang Japanese coach na si Munehiro Kugimiya, at si Diaz ay patuloy na pinalalakas ng beteranong Olympian at Chinese coach na si Kaiwen Gao.
172