ST UWAN DEATH TOLL 18; TINO UMAKYAT SA 232

MATAPOS makalabas ng Philippine Area of Responsibility si Super Typhoon Uwan ay nagsimula na rin ang clearing operation sa mga nasalantang lugar sa Central at Northern Luzon, kasabay rin nito ang pag-akyat sa labingwalo sa bilang ng mga nasawi sa bagyo, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).

Nitong Martes sa ginanap na pulong balitaan sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), inihayag ng OCD na umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Uwan.

Sa press briefing, sinabi ni OCD deputy administrator for administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang mga nasawi ay mula sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas.

“In terms of casualty, as of 11 this morning, meron na pong nai-report sa atin na 18 dead casualties,” ani Alejandro.

“Tatlo sa Region 2 dahil sa landslide. Dose sa CAR, mostly because of landslide. Isa sa Region 5, drowning. Region 6, isa, electrocution. And ‘yung sa Region 8, isa,” dagdag pa niya.

Habang may dalawa naman ang iniulat na nawawala at 28 ang sugatan sanhi ng pananalasa ni ST Uwan, ang ikalawang major typhoon na tumama sa Pilipinas sa loob lamang ng ilang araw na pagitan kasunod ng Bagyong Tino na may 232 death toll.

Kinumpirma ng OCD na umakyat sa 232 ang reported dead bunsod ng Typhoon Tino subalit under validation pa ito ng DILG Missing and Dead Person Group

Sa 232 Tino-related deaths, 150 rito ay nagmula sa Cebu; 42 mula Negros Occidental; 21 naman sa Negros Oriental; anim sa Agusan del Sur; tatlo sa Capiz; dalawa sa Dinagat Island, 2 din Southern Leyte at Leyte; tig-isa sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol.

Sinabi pa ng ahensiya na nasa 112 katao ang nawawala, 57 rito ay mula sa Cebu, habang 50 naman sa Negros Occidental at lima sa Negros Oriental. Lomobo rin sa 523 ang bilang ng iniulat na nasaktan.

Sa inilabas na latest situational report ng NDRRMC, inihayag na P157.9 milyon ang naging pinsala sa agrikultura sa pananalasa ng Bagyong Tino habang P179.6 milyon ang halaga ng winasak ng bagyo sa imprastraktura partikular sa Mimaropa, Western Visayas, at Caraga.

Samantala, nakapagtala rin ang ahensiya ng P134.949 million damage sa nasirang mga bahay habang P20.510 milyon naman ang nawasak na mga bahay sa mga apektadong rehiyon.

Samantala, nasa 1.1 milyong pamilya o 4.1 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo mula sa 8,000 barangays.

(JESSE RUIZ)

59

Related posts

Leave a Comment