TATLONG BATANG MAGPIPINSAN, PATAY SA PAGKALUNOD SA FISH POND

PATAY ang tatlong batang magpipinsan matapos malunod sa isang hukay na ginawang palaisdaan sa Barangay Payas, Santa Barbara, Pangasinan, nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nasa edad apat, lima at anim na taon ang mga biktima at idineklarang dead on arrival sa pagamutan.

Natagpuan ang mga walang-buhay na katawan ng mga bata dakong alas-5:20 ng hapon ng isang magsasaka na residente ng Barangay Cablong matapos nitong mapansin ang kanilang mga damit malapit sa isang latian at maghanap sa paligid.

Agad na iniahon ang mga bata at isinugod ng mga tauhan ng MDRRMO sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City, subalit idineklara silang dead on arrival ng attending physician.

Sa salaysay ng isang residente ng Barangay Cablong sa mga awtoridad, nakita niya ang mga bata na nagtungo sa direksyon ng isang bukirin dakong alas-2 ng hapon nitong Sabado.

Narinig din umano niya ang mga ito na nag-uusap tungkol sa pagligo malapit sa isang water pump.

Dahil sa insidente, sinabi ni Santa Barbara Police Chief Colonel Michael Datuin na hiniling na niya sa mga opisyal ng barangay na lagyan ng bakod ang paligid ng palaisdaan upang maiwasang maligo rito ang mga residente, partikular ang mga bata.

Iniutos din umano niya sa mga tauhan ng barangay na maglagay ng tarpaulin na may babala laban sa pagligo sa nasabing palaisdaan upang maiwasan ang kaparehong trahedya.

(JESSE RUIZ)

183

Related posts

Leave a Comment