LABANAN ANG PAGNANAKAW NG METRO AT KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

TALAMAK pa rin ang paggamit ng mga illegal service connection sa kuryente kagaya ng mga jumper, at talagang lumalalang problema ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bukod pa riyan, lumalalang problema rin ang pagnanakaw ng kable at metro ng kuryente. Pati sa online channels kagaya ng Facebook marketplace, ibinebenta na ang mga ito!

Kamakailan nga ay pinaigting pa ng Meralco, ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ang kampanya nito laban sa pagnanakaw ng mga metro ng kuryente. Aktibong nakikipagtulungan ang Meralco sa pulisya at iba pang ahensya ng pamahalaan para agad na maaksyunan ang mga ilegal na gawain na ito, lalo na at maaaring magdulot ang krimen na ito ng aberya sa serbisyo ng kuryente at kapahamakan sa publiko.

Batay sa datos ng kumpanya, nasa 1,131 na metro ang naitalang ninakaw mula Enero hanggang Hunyo 2024, mas mataas ng 63% sa 695 metrong naitalang ninakaw noong kaparehong panahon noong 2023. Samantala, nasa 4,591 metro ng kuryente naman ang naitalang ninakaw sa nakalipas na limang taon o mula 2019 hanggang 2023.

Ang mga metrong ito ay pagmamay-ari ng mga distribyutor kagaya ng Meralco at walang binabayaran ang mga customer para makabitan nito. Ang pagnanakaw, pagbebenta at pagbili ng mga nakaw na metro ay labag sa batas at may kaukulang parusa.

Babala ng Meralco, may mga palatandaan ang mga ito para matukoy na pagmamay-ari ang mga ito ng kumpanya.

Ang pagnanakaw at pagbebenta ng mga nakaw na metro ay mga krimen na may kaukulang parusa sa ilalim ng Republic Act No. 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994. Ang sinoman na lalabag dito ay maaaring maparusahan ng hindi bababa sa 12 taong pagkabilanggo o pagmulmultahin ng nasa P50,000 hanggang P100,000 o kaya naman ay maharap sa parehong parusa.

Maaari ring maparusahan sa ilalim ng batas ang mga bumibili at gumagamit ng mga nakaw na metro dahil maituturing itong paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o ang Anti-Fencing Law of 1972.

Kailangang maunawaan ng publiko na ang mga ilegal na gawaing ito ay nagdudulot ng malaking banta sa kaligtasan ng mga komunidad.

Ang mga ilegal na koneksyon ay madalas na hindi ligtas at maaaring magdulot ng sunog o aksidente. Maraming beses nang nagkaroon ng insidente ng sunog sa mga lugar na may mataas na kaso ng jumper dahil sa hindi tamang pag-install ng mga kable. Ang mga insidenteng ito ay naglalagay sa panganib hindi lamang sa mga gumagawa ng ilegal na koneksyon kundi pati na rin sa mga inosenteng residente.

Ang pagnanakaw ng kuryente ay isang moral na isyu dahil ito ay pandaraya at pag-abuso. Ang mga tao na gumagawa nito ay walang respeto sa batas at sa kanilang kapwa. Ang pagkakaroon ng kuryente ay isang serbisyo na dapat bayaran nang patas at naaayon sa konsumo.

Isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang masugpo ang problemang ito ay ang pagtutulungan ng bawat isa. Ang pagre-report ng mga insidente ng pagnanakaw ng kuryente at mga materyales na ginagamit para maihatid ang serbisyong ito, ay civic duty nating lahat.

Umaapela ang Meralco at iba pang ahensya at kumpanya na i-report ang mga ganitong insidente sa Meralco at sa mga awtoridad upang maiwasan ang mga posibleng aberya sa serbisyo ng kuryente at masiguro ang kaligtasan ng komunidad.

Upang malutas ang problemang ito, kinakailangan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at regulasyon. Dapat palakasin ang kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente at magbigay ng edukasyon sa mga tao tungkol sa mga panganib at masamang epekto nito. Ang bawat isa sa atin ay may responsibilidad na labanan ang ganitong uri ng krimen para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating mga komunidad.

37

Related posts

Leave a Comment