THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NOONG huling umuwi ang isa kong kaibigan na nagtatrabaho sa ibang bansa, napansin niya na masyado nang mahal ang mga produkto at serbisyo dito sa Pilipinas. Aniya, halos kapareho na o minsan ay mas mahal pa kaysa mga first world na bansa.
Tumaas ang inflation rate ng Pilipinas sa 2.3% nitong Oktubre mula sa 1.9% noong nakaraang buwan. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng inflation ay ang food at non-alcoholic beverages index, na tumaas mula 1.4% noong Setyembre hanggang 2.9% noong Oktubre.
Bagama’t bumaba ang inflation sa National Capital Region (NCR) mula 1.7% noong Setyembre sa 1.4% noong Oktubre, tumaas naman ang inflation sa mga lugar sa labas ng NCR mula 2% sa Setyembre patungo sa 2.6% noong Oktubre, dulot din ng pagtaas ng presyo sa pagkain at non-alcoholic beverages.
Naging pagsubok daw kasi ang mga nagdaang bagyo kamakailan na nakaapekto sa supply ng pagkain at logistics, ayon sa National Economic and Development Authority.
Mahigit isang buwan na lang, Pasko na naman at kapag ganitong panahon, nagsisimula na ang pagmo-monitor sa presyo ng mga bilihin. Tuwing lumalapit ang Kapaskuhan, karaniwan nang tumataas ang presyo ng pagkain dahil sa mas mataas na demand. Kasama na diyan ang bigas, karne, at mga pangunahing produktong pang-Noche Buena, na pangunahing bahagi ng mga pagdiriwang sa bawat tahanan.
Lalo pang lumalaki ang posibilidad ng pagtaas ng presyo, hindi lamang dahil sa mataas na demand, kundi pati na rin sa mga problemang dulot ng bagyo sa supply ng pagkain. Bukod pa rito, patuloy ang epekto ng mas mataas na gastos sa produksyon at ang pagtaas ng halaga ng bilihin sa pandaigdigang merkado.
Mayroon na ring mga ulat nitong nakaraang buwan na lubhang naapektuhan ngayon ng mahal na raw materials at logistics ang mga maliliit na panaderya kaya pati presyo ng tinapay ay inaasahang tumaas. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), higit 60 manufacturers ang ilang buwan nang humihiling na magtaas ng presyo sa kanilang mga produkto. Kabilang sa humiling ng price hike sa kanilang mga produkto ang mga manufacturer ng sardinas, pandesal, noodles, canned goods, at bottled water.
Sinabi naman ng DTI na hindi dapat lumagpas sa 10% ng kasalukuyang suggested retail price ng isang produkto ang pagtaas ng presyo kung sakali. Kailangan ba magtaas ng presyo? Siyempre kung tumataas ang gastos sa produksyon, wala namang magagawa kundi magtaas din ng presyo kung hindi, maaari namang malugi ang mga nagbebenta ng mga produkto.
Kung ito ang magiging direksyon, kailangan nating maging mas matalino at maingat sa pamamahala ng budget dahil halos palabas lagi ang pera kapag ganitong panahon.
Mahalaga ang pagpaplano ng bibilhin, at pagtuon lamang sa mahahalagang bilihin. Kailangan din iwasan ang biglaan o panic buying dahil lalo lang nitong pinapataas ang demand, na nagiging sanhi ng mas mataas na presyo.
Pwede rin maghanap ng mga lokal na produkto na maaaring mas mura kaysa mga inangkat. Bukod sa pagtitipid, makatutulong din tayo sa mga lokal na negosyo.
Sa kabila ng pag-focus sa pagkain, kailangan ding patuloy na isabuhay ang pagtitipid sa kuryente at tubig para mapanatiling mababa ang gastusin sa pangunahing utilities.
Habang hinaharap natin ang hamon ng mataas na presyo ng pagkain ngayong Kapaskuhan, mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina at maingat na pagplano sa budget. Nararapat din ang pagpapaalala sa pamahalaan na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain sa buong bansa at ang pagbibigay-tulong sa mga sektor na nagtataguyod ng ating food security, tulad ng mga magsasaka at mangingisda.
53