PAMUMUHUNAN PARA SA HINAHARAP

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

Isinusulong ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mas maraming renewable energy sa kasalukuyang supply mix ng bansa. Bahagi ito ng tinatawag na energy transition, kung saan tinatarget ng Department of Energy na punan ng renewable energy sources kagaya ng solar at wind, ng 35 porsyento ng total energy mix pagdating ng 2030 at 50 porsyento pagdating ng 2040.

Maraming kumpanya sa bansa ang talaga namang determinadong magtayo ng renewable energy projects. Bukod sa pagiging libre ng naturang resource, ito na talaga ang tinatangkilik at tanggap na tanggap ng lipunan na solusyon sa tumataas na demand.

Gayunpaman, hindi talaga ito madali para sa atin dahil bagama’t marami namang proyekto, hindi pa rin kasi ito sapat para tugunan ang kabuuang demand nating lahat.

Nariyan pa rin ang concern tungkol sa intermittency o mga pagkakataong hindi mapakinabangan o makapag-generate ang solar plants halimbawa dahil walang araw, o wind dahil mahina o walang hangin.

Dahil diyan, hindi naman talaga pwedeng iasa na lang sa renewable energy ang pagtugon sa kinakailangan nating supply. Kaya nga hindi rin madali para sa gobyerno na basta na lang isarado o ipatigil ang operasyon ng mga coal at gas plant kung saan nanggagaling ang karamihan ng energy supply ng bansa. Kung wala ang mga ito, marami sa atin ang magdudusa sa kawalan ng serbisyo dahil sa kakulangan ng supply.

Mahalaga kasing ibalanse ang pagnanais na magkaroon ng mas malinis na pagkukunan ng supply, at kasapatan nito. Sa panahon pa naman ngayon, kaunting pagkaantala lang ng serbisyo ng kuryente, talaga namang matinding galit ang nararamdaman ng mga konsyumer.

Habang isinusulong natin ang paggamit ng renewable energy, sinusuportahan din natin dapat ang mga teknolohiyang naglalayong mas mapakinabangan pa natin ang mga resource na ito.

Kaya magandang balita nga itong kakatapos lamang na groundbreaking para sa isang malaking solar plant sa probinsya ng Nueva Ecija. Bukod kasi sa nakabibilib na 3,500 MW na inaasahang kapasidad nito, may kasama rin ang proyektong ito ng battery energy storage system — na makatutulong para mas mapakinabangan ang solar energy na mag-generate ng proyekto.

Mismong ang pangulo ng bansa ang nanguna sa naturang groundbreaking ng MTerra Solar na proyekto ng Meralco PowerGen. Naniniwala ang pamahalaan sa kritikal na papel na gagampanan ng proyekto sa sustainable energy transition ng bansa.

Kapag natapos na ang pagtatayo, inaasahang magbibigay ang MTerra Solar ng malinis na enerhiya at makatutulong na mabawasan ang carbon emissions.

Bago pa man ang isinagawang groundbreaking ceremony, nakakuha pa ng karagdagang suporta para sa proyekto sa pamamagitan ng investment ng Actis, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom. Mamumuhunan ng halos P34 bilyon ang Actis para sa 40% na interes sa proyekto at nagsisilbi itong pinakamalaking foreign direct investment para sa isang greenfield infrastructure project sa Pilipinas.

Bukod sa mga benepisyong pangkalikasan, inaasahan din na makalilikha ang proyekto ng mahigit 10,000 trabaho sa panahon ng konstruksyon at makatutulong na mapalago ang ekonomiya ng mga komunidad kung saan ito itatayo.

Mahalaga ang mga proyektong kagaya ng MTerra Solar dahil nagpapatunay ito sa magandang epekto at benepisyong resulta ng pamumuhunan para sa hinaharap.

Suportahan natin ang mga proyektong naglalayong matugunan ang mga pangangailangan natin at makatutulong para makamit ang layuning magkaroon ng sustainable na energy future.

85

Related posts

Leave a Comment