INANUNSYO ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang ilang kalsada na pansamantalang isasara at re-routing ng mga sasakyan upang mapanatili ang kaayusan sa paggunita sa Undas 2025.
Ayon sa MTPB, isasara ang nabanggit na mga kalsada alas-10:00 ng gabi ng Oktubre 30, 2025 hanggang alas-7:00 ng gabi ng Nobyembre 3, 2005.
Kabilang sa mga isasara ang kahabaan ng Blumentritt St. mula A. Bonifacio hanggang Aurora Blvd.; kahabaan ng Dimasalang mula Retiro St. hanggang Calavite St.; kahabaan ng Maceda mula Makiling St. hanggang Dimasalang St.; Southbound Lane ng Dimasalang Bridge; Aurora Blvd. mula Felix Huertas Rd. hanggang Matandang Sora (Chinese Cemetery South Gate).
Kabilang naman sa isasagawang re-routing ng mga sasakyan, ang lahat ng mga sasakyan na manggagaling mula sa Dimasalang Road na gagamit ng Blumentritt Road, ay liliko pakanan sa Makiling Street patungo sa pupuntahan.
Lahat ng mga sasakyan na manggagaling mula Quezon City na dadaanan ang A. Bonifacio Ave. ay liliko pakaliwa sa Labo St. patungo sa pupuntahan habang ang lahat ng sasakyan na manggagaling sa Maceda St. na dadaan sa Dimasalang St. o sa Retiro St., ay liliko pakanan sa Makiling St. patungo sa pupuntahan.
Kabilang naman sa mga inilaan na parking areas ang P. Guevarra St. mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd.; F. Huertas St., mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd. at Oroquieta St. mula Blumentritt Rd. hanggang Aurora Blvd.
Ang pagsasara at pagbubukas ng mga apektadong kalsada ay maaaring magbago base sa sitwasyon ng trapiko.
Samantala, magsasagawa ng field inspection si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa Manila North Cemetery.
(JOCELYN DOMENDEN)
31
