INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang aksyunan ang mga usapin sa pondo upang mapabilis ang konstruksyon ng Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Project at matiyak ang pagkumpleto nito sa itinakdang panahon.
Inaasahang magpapabilis sa biyahe at magpapalawak ng oportunidad sa negosyo at ekonomiya sa Davao City at Island Garden City of Samal ang proyekto sa sandaling matapos ang tulay.
Ayon sa Pangulo, dapat maghatid ng makabuluhang pagbabago sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan ang mga pamumuhunan ng pamahalaan sa imprastraktura.
Tinalakay ang proyekto sa ika-12 pulong ng Economy and Development Council na pinangunahan ni Marcos, kung saan nirepaso rin ang mga programa para sa mas maaasahang suplay ng kuryente, proteksyon laban sa baha, transportasyon, edukasyon at social protection.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong binigyang-pansin ang SIDC Project at ang Project Balay o Building Access to Learning for Students, na naglalayong palawakin ang access ng mga mag-aaral sa edukasyon.
Ang SIDC Bridge ay binubuo ng 3.98-kilometrong tulay na may apat na linya at cable-stayed design na tatawid sa Pakiputan Strait.
Mag-uugnay ito sa R. Castillo-Daang Maharlika Junction sa Davao City at Samal Circumferential Road sa Barangay Limao sa Island Garden City of Samal.
Inaasahang magbibigay ang tulay ng mas mabilis, ligtas at maginhawang biyahe para sa mga residente, pasahero at negosyante, gayundin ng mas maraming oportunidad pang-ekonomiya sa dalawang lugar.
Samantala, isinusulong din ng administrasyong Marcos ang Project Balay upang mapalawak ang pagkakataon ng mga Pilipinong mag-aaral na makapag-aral.
Binigyang-diin ng administrasyon na hindi lamang pagtatayo ng mga kalsada, tulay at iba pang pasilidad ang sukatan ng pagpapaunlad ng imprastraktura, kundi ang direktang pakinabang na naidudulot ng mga ito sa buhay ng mga mamamayan.
(CHRISTIAN DALE)
207 