Tumira ng convenience store HOLDAPER NA PULIS PATAY SA RESPONDE NG KABARO

BULACAN – Dead on arrival sa pagamutan ang isang pulis makaraang makipagbarilan sa nagrespondeng kapwa pulis matapos mangholdap sa isang convenience store sa bayan ng Marilao.

Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, Lunes ng gabi nang pumasok ang suspek sa isang convenience store sa Barangay Sta. Rosa l, Marilao, Bulacan habang nakasuot ng pulang jacket.

Nagpanggap umano na customer ang suspek sabay bunot ng baril at nagdeklara ng holdap at kinulimbat ang tinatayang P20,000.00 na kita ng establisyemento at agad tumakas sakay ng motorsiklo sa direksyon ng Barangay Loma De Gato.

Mabilis namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Marilao Municipal Police Station.

Namataan ng mga awtoridad ang suspek sa may Heritage Subdivision, Loma de Gato. Sinubukan umano siyang pahintuin ng mga pulis ngunit bumunot ito ng baril at nagpaputok, dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Kaagad namang dinala ang suspek sa Sta. Maria Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ang suspek ay may ranggong police captain na nakatalaga sa Caloocan City Police Station at residente ng Barangay Gaya-Gaya, San Jose del Monte, Bulacan.

(TOTO NABAJA)

64

Related posts

Leave a Comment