PASIG City – Magtatapos na ang dalawang termino ni Mayor Vico Sotto sa non-stop na pagbatikos sa sinasabi nyang mga korap at tiwaling namumuno noon sa lungsod, pero hanggang sa ngayon ay wala pa umano itong naipakukulong, o pormal na nasampahan ng kaso sa Ombudsman o sa alinmang sangay
ng hukuman.
Pahayag ito ng bagong tatag na ‘Tayo Pasigueño Movement,’ isang sectoral org para sa tapat na serbisyo, bilang pagsusog at suportang reaksiyon sa panawagan sa social media ng mga residente na kailangang “ipakita ng punong-lungsod ang mga sinasabi nyang pagbabago hindi sa salita kundi sa gawa.”
Sa Facebook page na Taga Pasig Kami ay hinikayat si Sotto na basahin ang ‘open letter’ na madamdaming nagpapaalaala sa alkalde na kailangan na nitong mag-move on, at ihinto na ang mga paninira sa nagdaang administrasyon.
“Bukambibig nyo lagi na corrupt ang mga nagdaang administrasyon, pero ni isa ay wala kang kinasuhan at napakulong, nang ihalal kang councilor ng Pasig ay hindi naming narinig ang boses mo para ipagtanggol kami sa mga sinasabi mong Corrupt. Tikom ang bibig mo. Noong 2019 ay saka ka lang nag-ingay nang tatakbo kang mayor at siniraan mo lahat na nagdaang mayor, wala kang pinuri ni isa na akala mo ay ikaw lang ang magaling at ang aming pag-asa,”
saad ni Jenifer De Leon sa kanyang open letter sa Facebook kay Sotto.
“Pangatlong term na itong hinahangad mo, pero hindi ka maka-move on sa Past, lahat ng interview mo ngayon sa media ay ‘yan ang ginagawa mong issue. Ngayon na ikaw ang kinasuhan dahil sa mga mali mong desisyon at nagawa ay pilit mo pa ring itinatanim sa aming isip na kagagawan ng kalaban mo sa politika, at pilit mong itinatanim sa amin na kinakawawa ka. Bawal na ba kaming magreklamo dahil ang sabi mo ay matuwid ka?” Tanong ni De Leon.
Ang mga kasong binanggit sa open letter ni De Leon, na binatikos din ng Netizens, ay ang mga naisampa ng asunto sa Ombudsman laban kay Sotto na umano’y maanomalyang pag-bigay ng 100 percent na discount sa bayaring multa sa isang telco at ang umano’y P17.2 milyong iskandalo sa pamimigay ng 452nd Anniversary t-shirts sa halip na P1,500 cash allowance bawat isa sa mahigit 11,000 na kawani ng LGU.
Maging ang kontrobersiyal na P9.6 bilyong City Hall complex ay ipinaalaala rin sa open letter na keysa magarbong proyekto na pinundohan mula sa buwis ng Pasigueños ay dapat ang mga higit na pangangailangan ng nakararaming residente, lalo na ng maralitang sektor, ang naunang inasikaso ng LGU ‘tulad ng ospital at mga health centers na kompleto sa gamot at mga medical instruments.
Sang-ayon naman at sumusuporta ang ‘Tayo Pasigueño’ sa ipinahayag na hinaing ng nitezens sa pagsabing “kailangang ihinto ni Sotto ang pagtago ng kanyang mga pagkukulang at maling desisyon sa pamamagitan ng pagturo sa umano’y mga katiwalian ng nagdaang namumuno sa lungsod na kailanman ay wala pa siyang naipakulong o nasampahan man lang ng kaso.
“Mas makabubuti para sa lungsod na harapin na lamang ni Sotto ang mga kasong pormal na naisampa laban sa kanya at itigil na ang pagtuturo sa mga sinasabi nyang korap na mga namumuno noon, sa halip na gamitin nya itong kublihan ng kanyang mga pagkukulang sa tamang serbisyo sa mga Pasigueño,” pahayag ng TPM spokesman na si dating konsehal Mario ‘Junjun’ Concepcion, Jr.
27