Ate Sarah inalok si Pasig Mayor Vico ng ‘Peace Covenant’

SA HALIP na rumesbak si Pasig City mayoralty aspirant Sarah Discaya sa mga isyung ipinukol ni Mayor Vico Sotto sa kanyang pamilya ay inalok na lang niya ang alkalde ng “peace covenant” upang maiwasan umano ang siraan ng magkabilang panig.

Si Discaya, na kilala sa mahihirap na lugar sa lungsod na Ate Sarah, ay nagpadala ng liham kay Sotto na may petsang Oktubre 11, 2024 kung saan nakasaad ang latag ng mungkahi niya na “kasunduan para sa mapayapang May 2025 elections.”

Sa kanyang liham kay Sotto ay sinabi ni Discaya na ngayong pareho na silang kandidato na haharap sa mga Pasigueño upang humingi ng boto ay dapat umanong unahin muna nilang dalawa ang pagbigay katiyakan sa mga residente na magiging mapayapa, patas at malinis ang pamamaraan ng kanilang pangangampanya.

Partikular na binanggit ni Discaya sa kanyang sulat na kailanman ay hindi umano nila binalikan ng paninira rin ang mga paninira ni Sotto sa kanilabg pamilya.

“Ang aming tugon sa pamba-bash ng alkalde sa aming pamilya ay malinaw na paliwanag lang bilang depensa at pagtuwid sa mga mapanirang bintang laban sa amin,” saad ni Discaya sa kanyang liham sa alkalde.

Dagdag niya: “Ang mungkahi ko pong peace covenant ay hugot sa hangad kong hindi magdulot ng gulo sa isipan ng mga Pasigueño ang mga isyu kung magsanga-sanga ng paninira ang mensahe ng pangangampanya ng ating mga lider at supporter sa susunod na mga araw.”

Ang pangunahing nilalaman ng proposed ‘peace covenant’ na inilakip ni Discaya sa kanyang liham ay ang pangakong pairalin ang respeto sa kapwa kandidato at iwaksi ang mga personal na paninira, insulto, o walang basehang bintang na mag-uudyok ng poot at awayan ng mga botante.

Kasama rin sa mga pangakong nakapaloob sa kasunduan ang pagsupil sa umano’y iba’t ibang uri ng manipulasyon sa halalan ‘tulad ng vote-buying, harassment at maging ang paggamit ng illegal source of campaign funds at maging public funds para ipangalap ng boto.

Maging ang responsableng paggamit ng iba’t ibang platform ng mainstream at social media ay kasamang aakuin ng magkatunggaling grupo na kanilang papairalin katulad ng pagwaksi ng mga pagpapakalat ng fake news na ang intensiyon ay upang linlangin ang mga Pasigueño.

Nakasaad din sa liham ni Discaya kay Mayor Sotto ang suhestiyon na dapat saksihan ang lagdaan ng nasabing peace covenant ng mga kinatawan ng Simbahan, lokal na Pulisya, lokal na Hudikatura at mga miyembro ng mainstream at social media.

Ipinaubaya na rin ni Discaya kay Mayor Sotto ang pamamahala at paghahanda sa peace covenant, maging ang petsa kung kailan ito gaganapin.

Sa lugar na pagdarausan ay sinabi ni Discaya na siya at ang kanyang buong Ate Sarah team ay nakahandang pumunta sa opisina ng alkalde para sa paglagda ng kasunduan.

75

Related posts

Leave a Comment