PASOK na si Eumir Marcial sa Tokyo Olympics.
Ito ay matapos ang impresibong Referee Stopped Contest (RSC) win niya laban kay Mongolian Otgonbaataryn Byamba Erdene sa kanilang quarterfinals match sa 2020 Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification Tournament.
Si Marcial ang ikatlong Filipino na umabante sa 2020 Tokyo Olympic, nina gymnast Carlos Yulo at pole vaulter Ernest Obiena.
Ang panalo ni Marcia na naitala nito sa ikatlong round sa krusyal na quarterfinal round ang nagtulak upang humakbang siya sa semifinals kung saan makakasagupa niya si Ashish Kumar ng India.
“Masayang-masaya ako kasi matagal ko na talagang inaasam na makapasok sa Olympics. Unang pagkakataon ko pa lamang noon na makakapasok sana pero nagkaroon ako ng injury,” sabi ng dating World Junior gold medallist na ilang beses nagwagi ng ginto sa Southeast Asian Games.
Isinusulat ito ay nakatakdang lumaban ang apat pang Filipino boxers Lunes ng gabi sa Prince Hamzeh Hall sa Amman, Jordan.
Ang apat ay sina: Irish Magno na makakasagupa si Hmangte Mery Kom ng India sa women’s flyweight (49-51kg), Carlo Paalam kontra Amit ng India sa men’s flyweight (49-51kg), Nesthy Petecio na makakalaban si Irie Sena ng Japan sa women’s featherweight (54-57kg), at Riza Pasuit na sasagupain si Wu Shih-Yi ng Taipei sa women’s lightweight (57-60kg).
Sa kasalukuyan ay 28 boxers na ang nagkuwalipika sa Tokyo– anim mula Kazakhstan, lima sa India, apat sa China, tig-tatlo sa Uzbekistan, Jordan at Australia, at tig-isa sa New Zealand, Chinese Taipei, Thailand at Pilipinas.
Sa pitong boxers ng Team Philippines, dalawa ang maagang nalagas, sina James Palicte na natalo (0 – 5) laban kay Elnur Abduraimov ng Uzbekistan sa men’s lightweight (57-63kg), at Ian Clark Bautista na nabigo kontra Chatchai Decha Butdee ng Thailand (0-5) sa men’s featherweight (57kg). ANN ENCARNACION
