PH TAEKWONDO JINS SASABAK SA ASIAN OQT

NAKATAKDANG sumabak sa serye ng Olympic qualifying tournament ang magagaling na Pilipino taekwondo jins na naghahangad makakuha ng tiket sa 2020 Tokyo Games simula Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

Kabilang sa mga ito sina Pauline Lopez, Kurt Bryan Barbosa, Dave Cea at Samuel Morison, na pawang gold medallist sa nakaraang 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa dalawang buwan na ang nakararaan.

Nais ng Philippine Taekwondo Association na makapagpadala ng mas maraming atleta sa Tokyo Olympics para sa inaasam na mailap na gintong medalya.

Nilimitahan lamang ng world governing body sa apat na atleta bawat bansa ang maaaring ipadala sa Olympics, kaya’t kailangang piliin ng husto ng national taekwondo ang mga ipadadalang atleta sa naturang Olympic qualifying tourney.

Ang nabanggit na apat ay naging instrumento sa pagkakamit ng bansa ng kabuuang walong gintong medalya sa 30th SEAG.

Naka-ginto si Lopez sa women’s featherweight class ng kyorugi event, habang sina Barbosa, Cea at Morrison ay nagwagi sa men’s finweight, lightweight at welterweight class, ayon sa pagkakasunod.

Gaganpin ang Asian Qualifying tournament sa Wuxi, China sa Abril. Ang Wuxi ang magsisilbing pinakahuling pinto patungo sa Tokyo Games.

Maliban kina  Lopez, Barbosa, Cea at Morison, asam din ni Kirstie Alora, nagwagi ng silver medal sa heavyweight class sa SEA Games, na magkuwalipika sa Olympics sa ikalawang pagkakataon.

Unang lumaban si Alora sa 2016 Olympics sa Brazil.

Ilan pa sa mga naghahangad na sumabak sa OQT sina 30th SEAG silver medallists  Arven Alcantara (feather), Kristopher Uy (heavy), Rheza Aragon (fly), Laila Delo (welter); at bronze medallists Dex Ian Chavez (fly), Kurt Pajuelas (bantam), Veronica Graces (pin) at Baby Jessica Canabal (bantam).

Sa ngayon ay hindi pa nakapagdedesisyon ang PTA kung sino sa mga kasalukuyang miyembro ng national team ang bubuo sa delegasyon na sasabak sa Wuxi.

Agad dederetso sa Tokyo Olympics ang taekwondo jin kung magagawa nitong tumapos na nasa unang anim na puwesto sa buong mundo. Kung hindi naman makakapasa sa rankings ay kailangan nilang magwagi ng ginto at pilak sa mga gaganaping regional tournaments tulad sa Wuxi, China. (Ann Encarnacion)

119

Related posts

Leave a Comment