LUMAKI ang tsansa ni Fil-Japanese Junna Tsukii na makakuha ng tiket patungo sa 2020 Olympics matapos na pumangatlo sa world rankings.
Resulta ito ng pagwawagi ng Asian bronze medalist na si Tsukii sa World Karate Federation Series A Karate Championships sa Santiago, Chile kung saan naka-tansong medalya siya.
Nasundan ito ng isa pang bronze medal finish sa 2020 Karate1 Premier League sa Paris, France.
Target ng 28-anyos na Fil-Japanese na mag-number one upang maging kinatawan ng Asya sa Summer Games na gaganapin sa Tokyo, Japan.
“A Japanese is currently occupying the first spot right now, and since they are the host, she will be automatically seeded and will have the top spot given to the other country in the qualifying. That is what I am aiming now,” sabi ni Tsukii, na ipinanganak sa Pasay ngunit nanirahan na sa Japan nang siya ay tatlong taon pa lamang.
Ayon kay Tsukii, masaya siya na irepresenta ang Pilipinas bilang kanyang bansa, gaya nang ginawa niya sa katatapos lang na 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa at kung saan naka-gintong medalya siya.
Kung makalulusot, mapapasama si Tsukii sa mga atletang magrerepresenta sa bansa sa 2020 Tokyo Olympics.
Nauna nang nakapasok sina world gymnastics champion Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena, habang halos abot-kamay na rin ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang isa pang tiket sa Summer Games. (ANN ENCARNACION)