SA nakaraang Southeast Asian Games, maraming sports ang masasabing tumatak sa isipan ng mga Pinoy na posibleng pagmulan ng mga bagong celebrated athletes ng bansa.
Bukod sa Arnis na humakot ng 14 gold medals, bida din ang Dancesport na kumolekta ng 10 gold medals habang ang madalas na inaasahan pagdating sa medal harvest, ang athletics ay humarbat ng 11 gold medals.
Overall champion ang Pilipinas sa kanilang 149 gold medals kaya naman ganoon na lang ang pag-asa ng mga Pinoy sports fans na magiging maganda ang kapalaran ng bansa sa darating na Tokyo Olympic Games.
Marami sa mga gold medal winners ng nakaraang SEA Games ang dumadaan ngayong sa ilang mga Olympic qualifiers para pormal na makakuha ng slots sa 2020 Tokyo Games.
Sa kasalukuyan, dalawa pa lamang ang siguradong lalaro sa Olympics at ito ay sina Pole Vaulter EJ Obiena at Carlos Yulo ng gymnastics.
Dose-dosena man ang mga Pinoy athletes na nasa labas ng bansa ngayon para sa mga Olympic qualifiers, dapat din malaman ng mga sports fans na mabibilang pa din sa daliri ang dami ng mga posibleng sumabak sa Tokyo Games.
Mahirap na din naman na paasahin ang mga Pinoy na maraming maglalarong kababayan sa Olympics.
Katulad na lamang ng prediction ng isang sports na official na nagsasabing 38 Olympians kakayanin na mag-qualify sa Olympic Games.
Naka-dalawa na tayo, so 36 na lang Boss Chief. Good Luck!
May duda man tayo sa dami ng Olympians, Malaki naman ang ating tiwala na sa Tokyo Games makukuha na ng Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold ng bansa.
Malaki talaga ang tsansa natin sa mga sports na may weight division katulad ng boxing, taekwondo, karate at weightlifting.
Pero sa mga nabanggit, pabor na pabor sa Pilipinas ang mga kaganapan sa boxing ngayong kinuha na ng International Olympic Committee ang control sa pagpapatakbo ng sport sa darating na Olympics.
Sibak na sa IOC ang International Federation ng boxing na AIBA dahil bukod sa ilang mga alegasyon ng korupsyon, sobrang napasama ang imahe nito dahil sa ilang mga obvious na pandaraya sa nagdaang mga Olympic Games.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ng bansa na mandaya sa boxing para lamang makasungkit ng gold.
Kadalasan nga, tayo ang biktima ng grabeng pandaraya sa boxing.
Ngayong kontrolado na ang boxing ng IOC, asahan natin na malabo na ang dayaan sa Tokyo Games.
Fair scoring lang ang kailangan natin kaya kung ganoon ang mangyayari, asahan natin ang Olympic Gold sa boxing sa Tokyo. (Dennis Principe)
137