WALONG taon makaraang mabigong mahubaran ng korona si Juan Manuel Marquez sa kanilang una sa apat na pagtutuos, napagkaitan na naman ng panalo ang idolo ng mga Pilipinong si Manny Pacquiao nang siya ay mapatalsik bilang kampeon ng WBO welterweight, muli dahil sa maling hatol ng mga huwes.
Noong tablahan siya ni Marquez sa una nilang sagupaan, mas higit ang pagkabigla ni Pacquiao at libo-libong nasa loob ng MGM Grand Arena sa Las Vegas at milyon pang nanood sa telebisyon nang ang kamay ng Amerikanong si Timothy Bradley ang itinaas ng reperi matapos ang 12 round na sagupaan.
Mas masakit na karanasan ang natikman ng ating si Manny sa labang idinaos noong Hunyo 9, 2012 sa dahilang matapos ang madugong paghaharap, wala na ang 147 librang koronang nakapatong sa ulo niya mula pa noong Nobyembre 14, 2009.
Sa nabanggit na petsa nakuha ng Pambansang Kamao ang sinturon sa pamamagitan ng 12 round TKO.
Sobrang sakit dahil halos lahat ng mga nakasaksi sa laban, maliban sa tatlong hurado na tinawag ni Top Rank top honcho Bob Arum na “Three Blind Mice,” ay naniwalang si Pacquiao ang tunay na nagwagi.
“I’ve never been as ashamed in the sport of boxing as I am tonight,” pahayag ni Arum matapos ang resulta ng laban sa gitna ng sigawan ng mga nanood, na gaya niya ay hindi sumangayon sa kinalabasan ng desisyon.
Ang mga huwes na sina Duane Ford at C.J. Ross ay kapwa humusgang si “Desert Storm” ang nangibabaw sa score na 115-113. Si Judge Jerry Reese ay bumoto para kay Pacquiao sa mas malaking lamang na 117-111.
Punching stats ay nagpakitang mas maraming pinatama si Pacman, 253 kontra sa 159 lamang ng kalaban. Ang Compubox stats ay nakapagtala ng mas marami ring patama ni Pacquiao sa 10 at 12 round.
Katunayang bugbog sarado ang Amerikano ay ang huling paglabas ni Bradley sa kinaugaliang post fight interview sa media. Lamog ang mukha niya at nakasuot ng salaming may kulay para itago ang maga niyang mga mata at nakasakay sa wheelchair dahil sa pilay sa paa na resulta ng pagiwas sa malalakas na suntok ni Manny sa buong laban.
Bukod sa pag-boo ng mga manonood, katakot-takot na puna rin ang ibinato ng media sa naging desisyon ng mga huwes.
Tinawag ng mga eksperto ang desisyon na isang halimbawa ng korapsyong umiiral sa sport ng boksing. Ang ESPN.com ay umiskor ng 119-109 pabor kay Manny. Halos lahat ng media sa ringside ay pumanig din kay Pacquiao.
Makaraan ang apat na araw, bilang tugon sa mga negatibong puna, si WBO president Francisco “Paco” Valcarfcel ay bumuo ng lima-kataong lupon ng mga independiyenteng hurado na nagkakaisang nanindigan na dapat ay si Pacquiao ang ipinahayag na nagwagi sa botong 117-111, 117-111, 118-110, 118-112 at 118-113.
At sapagkat ang WBO ay walang kapangyharihang baligtarin ang resulta, si Bradley ay nanatiling kampeon ng welterweight hanggang sa mabawi ito ni Pacquiao mismo sa kanilang pangalawang paghaharap.
