MALIGAYANG Pasko at manigong Bagong Taon sa lahat!
Kahapon, isang araw matapos ang araw ng Pasko, ay Kapistahan ng Banal na Pamilya. Araw ng paggunita kung paano si San Jose, ang Mahal na Birheng Maria at ating kapatid na si Jesukristo ay tinuruan tayo kung paano ang kaugnayan ng pamilya sa buhay ng sangkatauhan.
May kasabihang “Home is where our heart is.” Sa tahanan naroon ang ating puso. Sa tahanan, pagkapanganak sa atin, una nating natutuhan ang mga salitang Daddy, Mommy, Tatay, Inay, Kuya at Ate. Indeed, there’s no place like home. Tunay na walang makakapalit na lugar ang tahanan. Dito una natin matututuhan ang pag-asa, kapanatagan at pagmamahalan.
oOo
“Mag-interbyuhan na naman ba tayo? Ito ang mga unang katagang namutawi sa labi ni Lydia de Vega nang kami at kanyang anak na si Paneng (Stephanie) ay nakaupo sa hapag kainan sa isang restaurant malapit sa opisina ng MANILA TIMES kung saan ay idinaos noon ang SCOOP (Sports Communicators Organization of the Philippines) Session, ilang linggo bago idaos dito sa bansa ang 30th Southeast Asian Games noong 2019.
Panauhin ko ang mag-ina noon upang talakayin ang kanilang saloobin sa gaganaping palaro.
“Habambuhay na tayong nag-iinterbyuhan noong tumatakbo pa ako and I’m sure lahat nang naisulat mo in regards to my career ay nabasa na ng readers mo.”
“Eh kasi marami pa ring nagtatanong kung ano na nangyari sayo mula noong nagpunta ka sa Singapore to teach there after the 2005 SEA Games,” katwiran namin.
“Eh di sige, yun na lang ang pag-usapan natin. The rest regarding my career, i-rehash mo na lang kung isusulat mo,” ani Diay. “Anyway, ikaw naman ang unofficial PR ko noon, di ba?”
Hindi ko na naisulat ang maraming napag-usapan namin noong araw na iyon, hanggang sa noong nakaraang linggo ay nakita ko ang kabuuang panayam ko kay Diay kung kaya naisip kong handugan siya ng isang parangal kaugnay ng pagdiriwang niya ng kanyang ika-56 taong kapanganakan noong Sabado, Disyembre 26.
Lumisan si De Vega noong taong 2005 sa Singapore matapos mapanalunan ng Pilipinas ang pangkalahatang kampeonato sa SEA Games noong taong iyon. Tinanggal siya ng Philippine Sports Commission, kasama ang ilang dating atletang nagsilbing tagapayo ng palaro tulad nina Boy Codinera ng baseball, Turo Valenzona ng basketball at Mona Sulaiman ng athletics.
Tinanggap ni Lydia ang matagal nang alok sa kanyang mag-coach at magturo sa ilang pamantasan at dalubhasaan sa nasabing siyudad. “That’s it. Since I arrived in Singapore, nagturo na ako ng sprint, mostly in elementary school level. ” pahayag ni Diay. “And as of this date (2019), naka-produce na ako ng fresh and young talents who became members of that country’s national team.”
“Masaya because yun nga, my efforts have bore fruits after a decade and a half teaching that nation’s youth, ” ani Diay. “Malungkot din, kasi instead of mga Pilipino ang natuto sa mga turo ko, mga Singaporean na magiging kalaban pa natin in the future ang nakikinabang.”
“But ano magagawa ko, this is my profession and it is my job to teach, kahit anong lahi pa mga estudyante ko,” aniya. “I wanted sana to impart what I’ve earned as an international athlete sa ating kabataan, pero hindi tayo pinalad ma-appoint na coach dito sa sarili nating bansa.”
“That’s also the problem of my contemporaries na nasa kalagayan ko ngayon sa ibang bansa,” kumento ni Diay. “Halos lahat kami gusto naming dito magsilbi sa ating kabataan, pero tila wala kaming lugar dito.”
“That’s what makes former athletes lives sad. Hindi kami ma-tap para makatulong mag-develop of our future athletes ‘tapos naming makapagsilbi as campaigners as well,” hinagpis niyang wika.
“Hindi mo naman masasabing mga bobo kami at wala kaming natutuhan sa pagiging atleta.”
Ipinagdiwang ni Diay ang kanyang ika-40 taon sa pagiging Asia’s Fastest Woman” at “Asia’s Sprint Queen” mula noong una siyang sumikat noong 1979 kung kailan napagwagihan niya ang halos lahat ng karerang nilahukan niya.
Sa record ng kolumnistang ito, ipinadala si Diay ng bansa sa di kukulangin sa 95 kompetisyong internasyonal mula noong madiskubre siya sa Palarong Pambansa noong 1978. Sa kabuuan, 53 ay sa mga karera sa labas ng bansa, kabilang ang dalawang International Amateur Athletic Federation (IAAF) championships.
Noong SCOOP’s Awards Night ng nasabing taon, kung kailan siya ang tinanghal sa Hall of fame ng organisasyon, nakapanalo si De Vega ng 14 gintong medalya sa kanyang paboritong 100 meters, walo sa 200 meters, tatlo sa 400 meters at dalawa sa long jump.
Lumahok din siya sa triple jump noong unang ipinakilala ito noong 1990 kung saan nagwagi rin siya sa kanyang unang pagsubok noong 1993 National Open.
Si Diay ang una at kaisa-isang babaeng sprinter na naghari ng dalawang sunod sa 100 meters sa 1982 Asian Games sa New Delhi at 1986 sa Seoul.
Ang Pilipina ring ito ang nagwagi ng pambihirang kambal na golden sprint double sa Asian Amateur Athletic Association (4 As) championships noong 1983 sa Singapore at 1987 sa Jakarta, ang siyudad kung saan ay umiskor siya ng triple whammy matapos pagreynahan ang 100 meters, 200 meters at long jump sa 14th SEA Games.
Sa kasamaang palad, sa Indonesian premier city rin ng Jakarta siya na-zero noong 1985 4As meet.
