PAGPAPASIYAHAN ngayong araw ng apat na koponang semifinalists – Barangay Ginebra, Talk ‘N Text, Meralco at Phoenix Super LPG – kung alin sa kanila ang maiiwan para magharap sa kampeonato ng 2020 PBA Philippine Cup bubble.
Nangyari ito matapos malusutan ng Tropang Giga ang Fuel Masters, 102-101 at ng Bolts ang Gin Kings, 83-80, noong Miyerkoles sa Game 4 ng kani-kanilang best-of-five Final Four series para maitabla at palawigin ang serye sa sukdulang limang laro.
Tabla na ang Tropang Giga at Fuel Masters at ang Gin Kings at Bolts, 2-2, tungo sa pagpapatuloy ng semis mamayang gabi sa Clark bubble.
Ang pagwawagi ng Tropang Giga laban sa Fuel Masters ay nagsilbing hudyat na ang mga bata ni coach Bong Ravena ay wala pang intensiyong tapusin ang siyam na taong paghihintay para malasap muli ang tamis ng tagumpay sa All-Filipino Conference, na huli nilang natikman noon pang 2011.
Ito ay sa dulo ng kanilang tatlong sunod na panalo ng korona ng All-Filipino para magawaran sila ng permananteng pagmamay-ari ng June Bernardino Trophy bilang paggunita sa alaala ng ngayo’y namayapa nang PBA Coimmissioner.
Ang TNT ang una sa dalawa pa lamang na koponang nagawaran ng nasabing parangal matapos maibigay ito sa San Miguel Beermen ng dalawang pagkakataon mula Season 2017-18 hanggang Season 2019.
Hudyat din ito ng Grupo ni businessman-sportsman Many V. Pangilinan (MVP) na ituloy ang misyon na maagaw sa Grupo ni Ramon S. Ang (RSA) ng SMC ang dominasyon nito sa Philippine Cup sa loob ng nakaraang walong taon. At ang paghahari ng tatlong koponang pag-aari ng SMC – Beermen, Gin Kings at ngayo’y Magnolia Hotshots Pambansang Manok – sa lahat halos ng torneong ginanap mula noong dekada 2000 hanggang noong nakaraang taon.
Sa kabilang dako, masamang balita naman ang ipinahatid ng Gin Kings sa tangka ng MVP Group na agawin ang dinastiyang naitayo ng RSA Group. Layon din kasi nito na manatili sa paghahari ng kumpanya sa kauna-unahang liga propessyonal sa bansa at maging sa Asya.
Kung magwawaging muli ang TNT at Meralco mamaya sa huling kabanata ng PH Cup Final Four, ito ang magsisilbing katuparan ng pangarap ni Boss MVP na makopo ng dalawa niyang koponan ang Finals. Kapag nagkaganoon ay tiyak wala nang kawala ang korona kahit sino man sa Tropang Giga o Bolts ang tanghaling bagong kampeon.
Ang tanong: Papayagan naman kaya ito ng Gin Kings na mangyari?
ABANGAN!
